Malalasap na ng mas maraming Pilipino ang tunay na lasa ng native na manok mula sa Bolinao, Pangasinan na tinatawag na Bolinao native chicken. Ang Bolinao ay nakapagbibigay ng maraming oportunidad para sa maliliit nating magsasaka na nag-aalaga ng manok.
Isang pag-aaral ng mga ‘state universities and colleges’ sa bansa ang naglayong mapatibay ang industriya ng native chicken sa rehiyon at nagawang mas epektibo at mabisa ang pagpaparami at pagpapalaki ng mga manok sa ilalim ng kanilang programa.
Masusi ring siniyasat ng pag-aaral ang lokal na industriya ng native na manok. Dito, natukoy ang mga bagay na kailangang tutukan ng pansin at paunlarin pa upang mas mapalawak at mapalakas ang industriya, gaya ng:
- Kakulangan ng mga pamantayan sa pagkikilo at pagprepresyo ng produkto;
- Kakulangan ng suplay at ang pagiging matrabaho ang pagpapalaki at pagpaparami ng mga native na manok; at
- Mahal na presyo ng native na manok kumpara sa komersyal o ang nakasanayang bilhin sa merkado.
Gayunpaman, bukas ang mga eksperto sa posibilidad ng paglakas ng industriya dahil na rin sa magandang resulta ng ‘technology transfer’ o pagsasalin ng teknoholiya sa publiko at mga pakikipagtulungan ng gobyerno sa pribadong sektor.
Ayon sa mga eksperto, higit na makatutulong ang pagpapa-igting ng mga programa na kaugnay sa pagpaparami at pagpapalaki ng mga Bolinao native chicken upang masiguradong patuloy ang paglago ng industriya. Gayundin, upang makahikayat ng mas maraming mag-aalaga at magpaparami nito, inaasahanng patuloy ang suportang teknikal mula sa mga unibersidad at iba pang maaaring maging katuwang ng programa.
Ang pag-aaral ay isinagawa ng Mariano Marcos State University, Don Mariano Marcos State University, Pangasinan State University, at Ilocos Sur Polytechnic State College. Katuwang din ang suporta ng mga piling lokal na pamahalaan sa rehiyon, mga benipisyaryo ng programa; at pondo mula sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARD).
Ang proyekto ay napiling kasama sa Research Category ng 2022 National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD) at nagtamo ng ikalawang parangal sa 2022 DOST-PCAARRD S&T Awards and Recognition Ceremony noong ika-10 ng Nobyembre 2022.