Philippine Standard Time

‘Package’ ng mga teknolohiya para sa ‘postharvest processing’ ng balatan binuo ng UPLB

Isang ‘package’ ng mga teknolohiya ang binuo ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) upang tugunan ang isyu sa kalidad at mababang halaga ng pinatuyong balatan o ‘sea cucumber,’ partikular ang Holothuria scabra (sandfish). 

Ang teknolohiya ay nakapagpoprodyus ng ‘Class A premium grade’ na balatan. Ito ay may mas mababang ‘microbial content,’ pinahusay na ‘shelf life,’ at walang masamang amoy. Dahil dito, nabibili ito sa mas mataas na presyo sa merkado. 

Maituturing na isang ‘high-value commodity’ ang balatan. Nagbibigay ito ng karagdagang kita sa mga komunidad sa baybaying dagat. Ngunit ang halaga nito ay nananatiling mababa dahil sa hindi kontroladong pag-aani at pangangalakal, ganoon din ang kakulangan ng kaalaman ng mga mangingisda sa pinakamahusay na pamamaraan ng pagpoproseso. Ito ay partikular sa produksyon ng ‘high value dried sea cucumbers.’

Ang teknolohiyang ito ay pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).  

Sa pangunguna ng PCAARRD-Ilocos Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development Consortium (ILAARRDEC), 20 katao ang sinanay sa ‘Sea Cucumber Postharvest Processing,’ kamakailan. Ang pagsasanay ang unang ‘postharvest training’ na isinagawa sa DOST-PCAARRD Consortia.

Natutunan ng mga nagsanay ang mga bagong teknolohiya sa ‘postharvest processing’ na naiiba sa tradisyunal na mga pamamaraan sa pagpapatuyo ng balatan.

Isinagawa ang pagsasanay sa Mariano Marcos State University-College of Aquatic Science and Applied Technology (MMSU-CASAT) sa Currimao, Ilocos Norte. 
 
Ang mga sinanay ay mula sa Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU), MMSU, Aurora State College of Technology (ASCOT), Ilocos Sur Polytechnic State College (ISPSC), Cagayan State University (CSU), Department of Agriculture Regional Field Office 2 (DA RFO 2), Department of Science and Technology Region 1 (DOST 1), at lokal na pamahalaan ng Pasuquin at Currimao, Ilocos Norte.