Lubhang umaasa ang industriya ng agrikultura sa mga kemikal na pestisidyo at abono. Bukod sa dagdag na gastos para sa magsasaka, may kaakibat na panganib sa kalusugan ang mga kemikal na pestisidyo at abono. Dahil dito, kinakailangan na makagawa ng mga organikong pestisidyo lalo na para sa mga gulay.
Tumugon sa hamon na ito ang Central Mindanao University (CMU) sa pamamagitan ng pagsuri ng sampung halaman na matatagpuan sa Mindanao. Sa sampung halamang ito, nalaman na ang Tasmannia piperita (Hook.f.) Miers ay epektibo bilang organikong fungicide.
Ang T. piperita ay isang uri ng palumpong o maliit na puno na matatagpuan lamang sa Pilipinas, Borneo, Sulawesi, Moluccas, Flores, New Guinea, at Australia. Ito ay tumutubo sa mga galugod at sa matataas at malulumot na gubat.
Dahil gumagamit ng lokal na mga sangkap, ang organikong fungicide ay abot-kaya ng mga nagtatanim ng gulay. Ito ay mainam sa kalusugan at hindi nakapapatay ng mga organismong hindi namemeste sa gulay.
Kapag ito ay ginamit sa mga halaman, napipigilan ng fungicide ang ‘leaf spot disease’ ng letsugas dulot ng Alternaria brassicae at ng ‘late blight disease’ ng kamatis dulot ng Phytophthora infestans.
Ang proyekto ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).