Nahaharap ang industriya ng abaka sa bansa sa ilang mga suliranin gaya ng: mababang pagtanggap ng mga magsasaka sa makabagong teknolohiya sa pagtatanim at pangangalaga ng abaka; kakulangan ng mga kalidad na pananim na nakapagbibigay ng mataas na ani at may taglay na resistensya laban sa bayrus. Lumalaganap din ang mga sakit at peste tulad ng ‘abaca bunchy top virus’ (ABTV) na itinuturing na pinakamapinsala.
Kabilang rin sa mga suliraning ito ay ang pangangailangang lubos na magamit ang abaka sa bansa upang pakinabangan ng mga lokal na industriya na umaasa rito gaya ng ‘pulp and paper.’
Tinugunan ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) ang mga nasabing suliranin sa pamamagitan ng mga proyekto sa ilalim ng Industry Strategic S&T Program (ISP) para sa Abaka.
Nakapaloob sa ISP ng abaka ang ilang proyekto tulad ng: paglinang at pagpapakilala ng mga pinahusay na barayti ng abaka upang palakasin ang komersyal na produksyon; paggawa ng ‘diagnostic kit’ para sa pagtukoy ng ABTV; at pagsasaliksik kaugnay ng paggawa ng mga produktong mula sa abaka tulad ng ‘speciality paper,’ tela, at ibang produkto na may mas mataas na halaga.
Ang mga haybrid na abaka na nalinang sa ilalim ng programa ay nakapagbibigay ng ani na umaabot sa 1.56 metriko tonelada bawat ektarya. Mas mataas din ng 20 hanggang 30 porsiyento ang nakukuhang hibla mula sa mga ito kumpara sa barayti na nakaugaliang itanim sa bansa.
Sa teknolohiyang ito, inaasahang tataas ang ani ng hibla mula sa kasalukuyang 0.53 metriko tonelada bawat ektarya hanggang 1.2 tonelada bawat ektarya kung ang ‘fiber recovery’ ay tataas din mula 1% hanggang 1.5%, sa taong 2020.
Ang programa naman kaugnay ng paggawa ng produkto mula sa abaka gaya ng ‘textile,’ ‘security/currency-based paper,’ ‘tea bags,’ ‘packaging’ at ‘printing/writing paper,’ at iba pang produkto, na may mas mataas na balik halaga, ay inaasahang makahihikayat sa lokal na produksyon.