Philippine Standard Time

NutrioTM, pinahuhusay ang paglaki at ani ng tubo

Isang bagong tuklas na abono ang nakapagpapahusay sa paglaki at ani ng tubo. Ang nasabing abono na tinatawag na NutrioTM ay ibinobomba sa dahon. Ito ay nagtataglay ng mabubuting mikroorganismo at nakapagpoprodyus ng malulusog at mas luntiang mga halaman. Binabawasan din nito ang paggamit ng mga inorganikong pataba na may kamahalan.

Ang NutrioTM ay bunga ng proyekto sa pagsasaliksik at pagpapaunlad na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).

Madaling gamitin ang NutrioTM. Ang bawat pakete nito ay nagtataglay ng 100 gramong pulbos. Para sa isang ektaryang tubo, kinakailangan ng apat na kilo o 40 pakete ng NutrioTM na maaaring gamitin nang dalawang beses. Ang dalawampung pakete ng NutrioTM ay inihahalong mabuti sa 1,000 litro ng tubig at ibinobomba sa halamang tubo dalawang buwan matapos itong itanim. Ang pangalawang pagbobomba sa parehong dami at tumbasan ng NutrioTM at tubig ay ginagawa limang buwan pagkatapos ng pagtatanim.

Iniulat sa PCAARRD ni Dr. Virginia M. Padilla, tagapanguna ng proyekto, na ang paggamit ng NutrioTM ay nakapag prodyus ng ani ng 102.25 toneladang tuba bawat ektarya. Ang aplikasyon ng NutrioTM na sinamahan ng 100 kilo ng nitroheno (kalahati ng ipinapayong dami na 200 kilo bawat ektarya), ay nakapag prodyus ng 155.65 tonelada ng tubo bawat ektarya. Mataas ito kumpara sa ‘national average’ na 60 tonelada bawat ektarya. Ito ay resulta ng mga pagsusubok na isinagawa sa Floridablanca, Pampanga.

Si Padilla na isang kawani ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology, University of the Philippines Los Baños (BIOTECH-UPLB), ang siyang naglinang sa NutrioTM. Ito ay sa pamamagitan ng proyektong ‘Development and Field Testing of Endophytic Bacterial Inoculant (NutrioTM) as New Biofertilizer for Improved Production of Eggplant (Solanum melongena) and Sugarcane (Saccharum officinarum L.)’ na pinondohan ng PCAARRD. 
 
Ang proyekto ay mahalaga upang matukoy ang mga posibleng mapagkukunan ng panghaliling mga nutriyent para sa halamang tubo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng inorganiko at mga inaangkat na abono. 

Susubukan ang NutrioTM sa mga taniman ng tubo sa Rehiyon III at VI.

Ang NutrioTM ay ‘trademark’ na nakarehistro sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPhil). Nakatakda rin itong irehistro sa Fertilizer and Pesticide Authority (FPA).