BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Itinampok ang Citrus sa Citrus Farms and Industry Encounters through the Science and Technology Agenda (FIESTA) na ginanap sa Nueva Vizcaya na itinuturing na Citrus Capital ng Region II.
Pinangunahan ng Cagayan Valley Agriculture, Aquatic and Resources Research and Development (CVAARRD) at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang nasabing okasyon sa pamamagitan ng iba’t-ibang gawain upang isulong ang industriya ng citrus.
Kabilang dito ang exhibit, ibat-ibang paligsahan para sa mga mag-aaral gaya ng pagluluto gamit ang citrus bilang pangunahing sangkap, paggawa ng mga panghimagas mula sa citrus, paggawa ng poster, pagsusulat ng sanaysay, at tagisan ng talino.
Kabilang din sa mga gawain ang pagsasagawa ng ‘investment forum’ kung saan ipinaliwanag ang mga oportunidad na pangkabuhayan kaugnay ng industriya ng citrus.
Nagsagawa rin ng mga pagbisita sa mga taniman ng citrus sa Malabing Valley, Kasibu, Nueva Vizcaya upang ipamalas ang mga makabagong pamamaraan at teknolohiya ng produksyon at pangangalaga sa mga taniman.
Nagbigay rin ng mga pahayag ang mga piling panauhin tungkol sa hangarin na maisulong ang industriya ng citrus sa Region ll sa nasabing okasyon. Kabilang dito sina Nueva Vizcaya State University (NVSU) President Dr. Andres Taguiam; Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla; at Regional Research and Development Coordinating Council (RRDCC) Chair at Isabela State University (ISU) President, Dr. Ricmar Aquino.
Pinuri ni Aquino ang FIESTA na sinimulan ng DOST-PCAARRD bilang isang paraan ng pagtutulungan para sa interes ng industriya ng citrus sa rehiyon.
Sinabi ni PCAARRD OIC-Deputy Executive Director for Administration, Resource Management and Support Services, Dr. Melvin Carlos, na pangunahing layunin ng FIESTA ang mapahusay ang ugnayan ng mga tagapaglinang ng mga teknolohiya, mga potensyal na mga tagatangkilik ng mga ito, at mga mamumuhunan upang mapabuti ang daloy ng mga teknolohiya tungo sa komersiyalisasyon.
Nakiisa si DOST Secretary Fortunato de la Peña sa pagdaraos ng Citrus FIESTA. Pinangunahan ni de la Peña ang pakikipag-ugnayan sa mga magsasaka ng Malabing Valley at iba pang mga tagapakinabang ng industriya sa lugar.
Sa pagtatapos ng dalawang araw na Citrus FIESTA ay pinasalamatan ni Dr. William Medrano, CVAARRD Director at Isabela State University (ISU) Vice President for Research, Development, Extension and Training, ang lahat ng nakiisa sa okasyon. Hinimok rin niya ang ibayo pang pagtutulungan upang ganap na makamit ng Nueva Vizcaya ang pagiging Citrus Capital ng bansa.