Ipinagdiriwang ngayong linggo ang National Science and Technology Week (NSTW), isang taunang gawain alinsunod sa Presidential Proclamation no 169, s. 1993. Itinatakda ng nasabing proklamasyon ang buwan ng Hulyo bilang pagpapahalaga sa siyensya at teknolohiya sa bansa. Itinalaga ang Department of Science and Technology (DOST) upang pangunahan ang nasabing pagdiriwang sa suporta ng iba pang ahensya ng pamahalaan maging ng pribadong sektor.
Ang pagdiriwang ay naglalayong makapaglaan ng mga oportunidad na pangkabuhayan mula sa siyensya at teknolohiya at makapag-ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Kinikilala rin sa pagdiriwang ang mga tanging ambag ng mga indibiduwal at institusyon na nakatulong upang iangat ang estado ng siyensya at teknolohiya sa bansa.
Ang tema ng NSTW ngayong taon ay “Science for the People.” Ipinakikita sa tema ang pagnanais ng DOST at mga ahensya nito, at iba pang katuwang sa nasabing pagsisikap, na maiparating at pakinabangan ng mga mamamayan ang bunga ng mga pagsasaliksik sa bansa.
Ang mga dadalo sa NSTW ay maaring bumisita sa mga exhibit ng iba’t-ibang ahensya ng DOST. Ito ay kinabibilangan ng anim na pavilion na may kanya-kanyang paksa gaya ng ‘health,’ ‘farm to table,’ ‘biodiversity,’ ‘transportation services,’ ‘homegown innovations,’ at ‘disaster risk reduction.’ Pinangungunahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng DOST (DOST-PCAARRD) ang ‘farm to table’ at biodiversity pavilion.
Ang exhibit ay gagawin sa World Trade Center mula Hulyo 11 hanggang 15, 2017. Ang mga forum naman ay gaganapin sa Philippine Trade and Training Center mula Hulyo 11 hanggang 13, 2017.
Ang mga paksa na tatalakayin sa forum ng PCAARRD ay ang mga sumusunod: Itik Pinas; pagpapanumbalik sa mga bahura (coral reefs) ng bansa sa pamamagitan ng sekswal na paraaan ng pagpaparami ng mga korales; Philippine (Benham) Rise; pagpapataas sa kalidad ng ‘brown rice;’ ‘pagmamarka at pagtukoy sa mga angkop na lugar para sa pagtatanim ng kakaw at goma sa pamamagitan ng geographic information system (GIS); at ang teknolohiya ng ‘coconut somatic embryogenesis’ para sa mabilis na pagpaparami ng puno ng niyog sa bansa.
Bukod sa pagdiriwang ng NSTW sa Maynila, magkakaroon din ng mga Regional S&T Fairs. Dadalhin ng mga ahensya ng DOST ang kanilang mga teknolohiya sa mga piling lungsod ng rehiyon gaya ng Ilocos Sur (Region I), Isabela (Region II), Nueva Ecija (Region III), Laguna (Region IV-A), Romblon (Region IV-B), Albay (Region V), Iloilo City (Region VI), Cebu City (Region VII), Tacloban City (Region VIII), Zamboanga del Sur (Region IX), Cagayan de Oro City (Region X), Davao City (Region XI), General Santos City (Region XII), at Butuan City (Region XIII). Nagsimula na ang nasabing gawain noong ika-20 ng Hunyo at ito ay tatagal hanggang ika-12 ng Oktubre 2017.