Mataas ang pangangailangan ng industriya na gumagawa ng muwebles at konstruksiyon sa alternatibong mapagkukunan ng kahoy gaya ng kawayan.
Ang mataas na pangangailangan na ito ay dulot ng kakulangan ng kahoy dahil sa pagkaubos ng suplay ng troso at ang striktong pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 23. Pinagbabawal ng EO No. 23 ang pagtotroso sa mga kagubatan.
Dahil ang kawayan ang naging alternatibong mapagkukunan ng kahoy, maaaring magkaroon ng ‘overharvesting’ at iba pang maling sistema na makasisira sa taniman ng kawayan.
Upang hindi lubos na maubos ang mga taniman ng kawayan dahil sa pagnenegosyo nito, nagsagawa ng isang pagsasanay at ‘workshop’ ang Forestry and Environment Research Division (FERD) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Dumalo ang 27 kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya. Kabilang dito ang mga may-ari ng taniman ng kawayan sa iba’t ibang rehiyon.
Ang pagsasanay at workshop na ginanap ng limang araw ay may titulong, “Sustainable Small and Medium-Scale Bamboo Enterprises for the Green Economy.”
Pinangasiwaan ang pagsasanay at ‘workshop’ ni Dr. Ramon A. Razal at ni Prof. Rosalie C. Mendoza, mga propesor ng Department of Forest Products and Paper Science, College of Forestry and Natural Resources ng University of the Philippines Los Baños (CFNR-UPLB).
Ibinahagi sa pagsasanay ang iba’t ibang sistema at pamamaraan sa pagtatag at pagnenegosyo ng kawayan na hindi makasisira sa mga taniman nito.
Ilang ‘lectures’ at ‘hands-on training’ ang ibinahagi sa ‘workshop’ kaugnay sa pagtatag ng ‘nursery’; pagpapaunlad ng taniman ng kawayan; mga makabagong pamamaraan tungkol sa pagnenegosyo gamit ang kawayan; at pagnenegosyo ng mga produktong gawa sa kawayan.