Isang nag-aalaga ng tahong sa Barangay Bahay, Tarangnan, Samar ang sumubok sa paggamit ng pamamaraang ‘longline’ sa pagpaparami ng tahong. Sa paggamit ng ‘longline,’ tumaas sa 220 sako ang naaning tahong, samantalang 150 sako lamang ang inaani sa dating pamamaraan. Ito ay kumpara sa dati niyang ani na umaabot lamang sa 150 sako.
Ang nasabing magtatahong ay si Mario S. Cano, Sr., isa sa mga sumubok at nakinabang sa pamamaraan ng ‘longline’ sa pag-aalaga ng tahong. Ito ay matapos niyang makita ang benepisyo ng teknolohiya mula sa proyekto sa ilalim ng ‘National Mussel S&T Program’ na isinasagawa ng Samar State University College of Fisheries and Marine Sciences (SSU-COFMAS) at pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang proyekto ng ‘longline’ ay naglalayon na matukoy ang bilis ng paglaki at dami ng mabububuhay na mga tahong. Kumpara sa tradisyonal na ‘stake method’ o pagtatarak ng kawayan, ang teknolohiya ng ‘longline’ ay mas mahusay dahil mas madami ang ani na tahong, mas mataas ang kalidad nito, at nakababawas sa pagdami ng polusyon o ‘sedimentation’ sa pinagtataniman ng tahong.
Kinse anyos pa lamang si Cano nang siya ay nagsimulang mag-alaga ng tahong gamit ang ‘stake method.’ Noong dekada 70, ang lugar-alagaan ni Cano ay binubuo ng 100 na kawayan na nakapagbibigay ng 150 na sako ng tahong. Kumikita siya ng P15,000 sa pagbebenta ng bawat sako ng tahong na nagkakahalaga ng P180.
Sa mga unang bahagi ng pagsubok ng ‘longline,’ nag-alinlangan si Cano na gumamit ng teknolohiya dahil ayon sa kanya, madaling manakaw ang mga tahong. Sa kabila nito, napansin niya na maganda ang kalidad ng tahong na kanyang inani matapos ang ilang linggo. Ang kanyang ani naman galing sa kanyang lugar-alagaan na gumagamit ng ‘stake method’ ay kaunti lamang at mababa ang kalidad dahil na rin sa hindi pa matukoy na mikrobyo.
Gamit ang teknolohiya ng ‘longline,’ si Cano ay nakakapag-ani ng 220 sako ng tahong galing sa kanyang isang ektaryang lugar-alagaan na may sampung yunit ng 100 metrong longline. Kumita siya ng P81,000 galing sa kanyang ani kung saan ibinenta niya ang isang sako ng tahong sa halagang P450 sa lokal na pamilihan. Ngayon ay napapag-aral na niya ang kanyang mga anak sa kolehiyo, nakabibili ng mga gamit sa bahay, at nakapagbibigay ng suportang pinansyal para sa kanyang pamilya.