Ilang bagong produktong gawa sa munggo ang maaari nang makita at mabili sa mga pamilihan. Ang mga ito ay mula sa proyekto ng Department Agriculture-Cagayan Valley Research Center (DA-CVRC) na sinuportahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Bunga ng pag-aaral ng DA-CVRC, ang Mang Bean ‘brand’ ay maaari nang tangkilikin ng mas marami. Sa tulong ng mga bagong teknolohiya sa pagpoproseso ng mga pagkain, ang Mang Bean ‘products’ tulad ng 'instant' ginisang munggo, instant mungbean ‘noodles,’ 'vacuum-fried sprouts,' at ‘fresh mungbean sprouts’ ay matitikman na ng mga mamimili.
Pinaka-patok sa mga produktong ito ang instant ginisang munggo. Ayon sa ilang piling mamimili, masarap ang tekstura, amoy, at lasa ng mga gawang produkto ng Mang Bean.
Sumailalim sa pag-aaral ang pagdebelop ng mga produktong Mang Bean. Inalam ng mga eksperto ang naaayong pakete para sa produkto upang mapanatiling sariwa, ligtas, at may sustansya ang mga ito. Sa pagsusuri ng Société Générale de Surveillance (SGS) Philippines, ang mga Mang Bean products ay umaabot ng anim na buwan bago ito hindi na maaaring kainin.
Nalaman din sa pagsusuri na ang mga Mang Bean products ay may mataas na antas ng nutrisyon na kailangan sa katawan ng tao kung ikukumpara sa tradisyunal na pagluluto. Nariyan ang mataas na ‘dietary fiber,’ protina, at sapat na sukat na tulong pampasigla.
Sa pagpapalago ng industriya ng munggo, hinihikayat ng DA-CVRC ang mga tao na subukan ang mga teknolohiyang tulad ng Mang Bean at mamuhunan sa mga ito. Tinatayang sa loob ng 2-3 taon, maibabalik sa mga negosyante ang kanilang mga puhunan. Kung titingnan, maibabalik sa negosyante ang kanyang puhunang nasa halagang P15.6 milyon, matapos lamang ang isang taon at sampung buwan ng paggawa at pagbenta ng mga produktong Instant Ginisang Munggo, Instant Mang Bean Noodles, at Vacuum-fried Mang Bean sprouts. Inirerekomenda ng mga nagsisiyasat na tutukan ang pagdala sa merkado at pagbebenta ng Mang Bean products kasabay ang dagdag na tulong ng pamahalaan at suporta mula sa pribadong sektor.
Ang pag-aaral na ito, na isinali sa Development Category ng 2022 National Symposium on Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (NSAARRD), ay nanalo ng ikatlong parangal at kinilala sa 2022 DOST-PCAARRD S&T Awards and Recognition Ceremony nooing ika-10 ng Nobyembre 2022.