Ang manggang kalabaw o ‘Carabao’ mango ay ang barayti na ini-eksport ng Pilipinas na mas kilala bilang ‘Manila Super’ mango sa ibang bansa. Subalit ang potensyal nito ay nahahadlangan ng mga problema gaya ng mababang ani at mahinang kalidad ng prutas dahil sa mga sakit at peste kagaya ng fruit fly at anthracnose. Samantala, ang mga manggang may mamula-mulang balat ay mas nagugustuhan sa mga bansang Europa at Amerika.
Ang anthracnose ay sanhi ng Colletotrichum gloeosporioides, isang punggus na nakakaapekto sa mangga bago at matapos itong anihin. Kadalasang makikita ang pinsala ng anthracnose sa bunga at dahon. Ito ay bilog at kayumanggi o itim na lumalaki at kumakalat kalaunan. Ang fruit fly (Bactrocera dorsalis) naman ay isang pesteng umaatake sa bunga ng mangga. Kinakain ng uod nito ang laman ng mangga na nagdudulot ng maliliit na kulay itim o kayumangging tuldok na pinsala sa laman nito.
Pinangunahan ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) ang paghahanap ng mga barayti na may resistensya sa nasabing sakit at peste sa pamamagitan ng isang proyekto sa bioteknolohiya na pinamagatang “Identification of Molecular Markers Associated with Red Blush, Thick Peel, and Resistance to Anthracnose and Fruit Fly” sa ilalim ng programang “Enhancing Competitiveness of Philippine ‘Carabao’ Mango through Varietal Improvement.” Ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) bilang bahagi ng Industry Strategic S&T Program (ISP) para sa mangga.
Ang kahalagahan ng bioteknolohiya sa pagbuo ng mga barayting may magagandang katangian ay kinikilala na sa ngayon. Halimbawa nito ay ang paggamit ng molecular markers upang mapabilis ang proseso ng pagpapalahi ng tanim (plant breeding). Sa pamamagitan ng nabanggit na proyekto, nagawa ang mga molecular markers para sa mga katangiang mamula-mula at makapal na balat ng mangga, at resistensya sa anthracnose at fruit fly gamit ang teknolohiyang genotyping by sequencing (GBS). Inaasahang makakatulong ang mga nasabing markers sa marker-aided selection (MAS) bilang bahagi ng inisyatibo sa pagpapabuti ng katangian ng mangga.