Bumisita kamakailan sa Australia ang mga miyembro ng proyektong Pig Health-EcoHealth para sa isang pagpupulong.
Ang PigHealth-EcoHealth ay isinasagawa ng Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR). Nagsilbing tagapag-ugnay ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ng proyekto. Nasa huling taon na ang proyektong ito.
Pitong miyembro na kumakatawan sa Pilipinas ang sumama sa dalawang linggong pagbisita sa Australia. Ang mga kinatawan ng Pilipinas ay sina Dr. Edwin C. Villar, Project Coordinator at PCAARRD Acting Deputy Executive Director for R&D; Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., Project Leader at Department of Agriculture Region 3-Integrated Laboratory Division Chief; at Project Officers Mr. Ronilo O. De Castro ng PCAARRD; Dr. Augusto S. Baluyut ng Pampanga Provincial Veterinary Office; Dr. Milagros R. Mananggit ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory Region (RADDL-Region 3); Dr. Lilia M. Retes ng Bureau of Animal Industry (BAI); at Mrs. Corazon S. Ignacio ng PVO-Pampanga.
Nagpulong ang pangkat mula sa Pilipinas at ang mga mananaliksik ng Australia, kasama ang mga opisyal ng ACIAR upang pag-usapan ang pagsasagawa ng ‘impact assessment’ bago matapos ang proyekto.
Ayon kay Dr. Werner Stur, ang ACIAR Research Program Manager for Livestock, mahalaga ang pagiging handa para sa pagsiyasat ng mga naisagawa sa proyekto bago ito matapos. Pinahalagahan din ni Stur ang pagtukoy sa epekto sa komunidad ng proyektong Phase 1 (‘respiratory project’) at ang kasalukuyang isinasagawang ‘EcoHealth project.’
Binanggit din ni Stur sa kanyang mensahe ang matagal na pagtutulungan ng ACIAR at PCAARRD sa mga pamumuhunan sa mga proyekto, mga aktibidad na may kaugnayan sa pamamahala at pagsusuri ng proyekto, at mga pagsasanay.
Sinusugan ni Dr. Patrick Blackall, ang project leader mula sa University of Queensland (UQ), ang kahalagahan ng pag-‘monitor’ sa mga resulta at epekto ng proyekto sa komunidad sa pagtatapos nito.
Ibinahagi rin ng pangkat ang kani-kanilang mga nagawa kaugnay sa layunin ng proyekto.
Bukod sa pagpupulong, nagkaroon din ng isang pagsasanay sa ‘bacterial isolation’ at ‘sero-typing’ ng Salmonella at E. Coli sa isang laboratoryo sa UQ. Bumisita rin sila sa isang alagaan ng mga ‘free range’ na manok na pagmamay-ari ng isang pamilya sa Toowoomba, Australia at sa pasilidad sa isang unibersidad kung saan nagsasagawa sila ng pananaliksik sa baboy.