Bilang pangunahing pinagkukunan ng guso sa Pilipinas, ang Tawi-tawi at Sulu ay inaasahang magiging sentro ng pananaliksik at pagpapaunlad nito sa tulong ng Mindanao State University (MSU) na sinuportahan ng Department of Science and Technology (DOST) at Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).
Kasabay ng pagdiriwang ng 2022 National Science and Technology Week, ibinahagi ni Dr. Sitti Zayda Halun ng Institute of Oceanography and Environmental Science ng MSU- Tawi-Tawi College of Technology and Oceanography (TCTO) ang mga bagong inisyatibo ng Seaweed Research and Development Center o SeaRDeC (Niche Centers in the Regions for R&D o NICER on Seaweeds). Naitatag noong 2020, ang SeaRDeC ay naglalayong paigtingin at palawigin ang industriya ng seaweed sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Sa tulong ng mas mainam na sistema sa produksyon gamit ang agham at teknolohiya, inaasahan na mapakikinabangan ang rehiyon sa lumalaking ‘demand’ o pangangailangan ng seaweed sa loob at labas ng bansa.
Sa ngayon, ang SeaRDeC ay may tatlong laboratoryo upang makatulong sa panananaliksik ng mga ‘seaweed’ sa rehiyon. Gamit ang mga ito, pinag-aaralan kung paano pa higit na mas mapabubuti ang kalidad ng mga guso at ang pagpaparamii sa mga ito.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng proyekto sa mga lokal na komunidad at gobyerno. Nagbibigay ang SeaRDeC ng mga pagsasanay at talakayan sa mga komunidad upang mas mapaigting pa ang kanilang tradisyunal na kaalaman sa pagpaparami ng guso. Dahil na din sa masiglang industriya ng guso sa rehiyon, nais suportahan ng SeaRDeC ang mga komunidad at magdagdag ng mga oportunidad na pangkabuhayan at mapagkakakitaan ang mga ito.
Subalit, batid ni Dr. Halun ang mga pagsubok ng industriya. Ayon sa kanya, ang Pilipinas ay relatibong may mababang kontribusyon sa suplay ng seaweed sa mundo. Sa paghahambing, noong 2020, ang Indonesia ay may mahigit 9.3 milyong toneladang produksyon ng seaweed na nagkakahalagang US$1.3 milyon. Samantala, ang Pilipinas ay nagtala lamang ng 1.4 milyong tonelada na nagkakahalaga ng US$ 200,000.
Sa pagpapatuloy ng mga inisiyatibo ng SeaRDeC, inaasahang magkakaroon pa ng maraming pagtutulungan ang iba’t ibang grupo upang palakasin ang industriya ng seaweed sa bansa. Inaasahan din ang SeaRDeC na magdedebelop ng mga produktong pagkain, pangkalusugan, at kosmetiko na gawa sa seaweeds.