Ang mga pabago-bagong kondisyon sa suplay at presyo ng buhay o hilaw na mga materyales mula sa dagat ay maaaring maranasan sa panahon ng La Niña. Sa panahong ito, maaasahan ng mga nag-aalaga ng isda ang pagtaas ng presyo ng mga pakain sa mga semilyahan at makadadagdag ito sa pasaning pinansiyal ng mga mamumuhunan sa ‘aquaculture.’
Isang potensiyal na pakain sa mga semilyahan sa panahon ng La Niña ay ang ‘microalgae paste.’ Ito ay konsentreyt na nagtataglay ng selula ng ‘microalgae’ at ginagamit na pakain sa mga isda, hipon, at iba pang ‘aquaculture species.’ Ang produkto na ito ay pinakamahusay na panghalili sa buhay na ‘microalgae’ sa mga panahon na mahirap ang produksyon nito.
Ang microalgae paste ay maaaring iimbak ng tatlong buwan sa ‘refrigerator’ na hindi bumababa ang kalidad ng nutrisyon nito. Ang mga balakid kaugnay sa pag-aalaga ng microalgae ay maaaring mabawasan sa pamamagitan ng paggamit ng microalgae paste.
Ang microalgae ay mga organismong mikroskopiko na lumulutang sa tubig. Karaniwan silang makikita sa kapaligiran ng tubig-dagat at tubig-tabang. Isa ang mga ito sa pinakamahalagang organismong pangtubig dahil sa iba’t-iba nilang gamit. Ito ay natural na pakain sa bangus, hipon, tilapia, at iba pang uri ng ‘finfishes’ at ‘crustacean’ sa iba’t-ibang estado ng kanilang paglaki. Sila ay potensiyal ring panghalo sa pakain ng iba pang mga ‘aquaculture species.’
Ginagamit sa paggawa ng microalgae paste ang apat na karaniwang uri ng microalgae: Tetraselmis sp., Nannochloropsis sp., Chaetoceros calcitrans, at Chlorella vulgaris.
Ang microalgae paste ay mahalagang tugon sa hindi sapat na rasyon ng buhay na microalgae tuwing tag-ulan. Ito ay dahil sa ang produksyon ng buhay na microalgae ay ginagawa sa lugar na hantad o ‘outdoor.’
Ginagawa ang microalgae paste sa antas na komersiyal sa ibang bansa. Ito ay may kamahalan sa halagang US$150 bawat litro. Ang pagkakaroon ng lokal na microalgae paste ay makapagpapababa sa halaga ng produksyon sa aquaculture.
Ang lokal na microalgae paste ay ginagawa ng University of the Philippines-Visayas College of Fisheries and Ocean Sciences at Museum of Natural Sciences sa pakikipagtulungan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).