Kapag panahon ng tag-ulan, malaki ang nagiging pagbabago sa dami ng produktong nagmumula sa dagat at sa kanilang presyo dahilan sa kakulangan ng ‘supply.’ Kabilang sa mga apektadong produkto ay ang pakain para sa mga palaisdaan.
Tinutugunan ng paggamit ng ‘microalgae paste’ ang suliraning ito kabilang ang iba pang problema na may kinalaman sa kakulangan ng ‘phytoplankton,’ ang likas na pagkain sa mga palaisdaan.
Ang microalgae paste ay itinuturing na potensyal na pakain sa mga semilya ng isda, hipon, at iba pa. Itinuturing itong pinakamahusay na panghalili sa buhay na ‘microalgae’ sa panahon na mahirap ang produksyon. Gawa ito mula sa ‘microalgae,’ ang mga lumulutang na mikroskopikong organismo na kalimitang nakikita sa dagat at tubig tabang. Nagsisilbi silang likas na pakain sa bangus, hipon, tilapia, at iba pang isda na may palikpik ganon din sa mga krustasyo. Itinuturing din itong potensyal na sangkap sa pakain ng iba’t-ibang ‘aquaculture species.’
Apat na karaniwang uri ng microalgae ang ginagamit sa paggawa ng microalgae paste. Ito ay ang Tetraselmis sp., Nannochloropsis sp., Chaetoceros calcitrans, at Chlorella vulgaris.
Maaaring iimbak ang microalgae paste sa loob ng tatlong buwan sa ‘refrigerator’ na hindi nagbabago ang taglay nitong nutrisyon.
Ang microalgae paste ay ginagawa sa ibang bansa at may kamahalan. Inaangkat ito ng bansa sa halagang US$150 bawat litro.
Sa kasalukuyan, nakakapagprodyus na ang bansa ng microalgae paste sa pamamagitan ng University of the Philippines-Visayas College of Fisheries and Ocean Sciences and Museum of Natural Sciences. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Makatutulong ang lokal na produksyon ng microalgae paste sa industriya ng pangisdaan, partikular sa mga papisaan ng bangus, hipon, at tilapia dahil mapabababa nito ang halaga ng produksyon.