Bilang suporta sa pagtupad ng ‘zero waste community’ at tugon sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran, sinisiyasat ng isang proyekto ang paggamit ng ‘pineapple pomace’ at balat ng kalamansi bilang pakain sa mga isda. Ang pineapple pomace ay mga tirang parte ng pinya pagkatapos maalis ang katas nito.
Patuloy ang pagtaas ng mga organikong basura mula sa mga industriyang maaaring makaapekto sa kapaligiran, ekonomiya, at lipunan. Upang tugunan ito, isinagawa ng Mindanao State University (MSU) sa Naawan ang proyektong, “Utilization of Fruit Processing Waste as a Source of Prebiotics and Immunostimulants for the Development of Healthy and Improved Aquaculture Feeds.”
Ayon sa ilang mga pag-aaral, napatunayang nakatutulong sa kalusugan at paglaki ng mga organismong akwakultura ang mga tira o ‘residue’ mula sa pinya at kalamansi matapos itong iproseso, katulad ng pomace, balat, at ubod. Ang mga ito ay maaaring pagkunan ng ‘dietary fibers’ at ‘antioxidants’ na nagsisilbing mainam na sangkap sa nasabing pakain.
Ang mga parte ng pinya at kalamansi na hindi kinakain, tulad ng pomace at balat, ay mayaman sa dietary fibers. Mayroon din itong ‘prebiotics’ na nakatutulong sa pisyolohiya ng organismo.
Bukod sa dietary fibers, naglalaman din ang mga nasabing parte ng ‘bioactive compounds’ kung saan tinutulungan nito ang ‘metabolic processes’ o pisyolohikal na gawain ng mga organismo.
Nakipagtulungan ang proyekto sa Del Monte Philippines Inc., Charles and Charlie Food Products, at K Three coolers bilang mapagkukunan ng mga tirang parte ng pinya at kalamansi.
Sa pamamagitan ng feed trials, patuloy ang proyekto sa paggawa at pagsasaayos ng mga ‘formulated diets’ para sa masaganang akwakultura.
Ang proyekto ay pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).