Ang talaba ay isang mahalagang pinagkukuhanan ng hanapbuhay sa maraming komunidad na nasa baybayin. Sa kabila nito, ang pangangailangan para sa ‘export’ ay patuloy na tumataas. Malaki ang ibinaba ng produksyon ng ‘cultured’ na talaba sa mga nagdaang taon at iniuugnay ito sa tumataas na halaga ng produksyon at mga isyu sa kalinisan ng mga talaba sa mga mababaw na baybayin na kontaminado ng mga dumi mula sa mga kabahayan.
Noong 2010, ang Pilipinas ay pangalawa at nanguna noong 2011 sa mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamalaking produksyon ng talaba. Subalit ang posisyong ito ay bumababa dahil sa kakulangan ng ‘seed stocks.’ Nakasisira rin sa industriya ang mababang kalidad ng talaba dahil sa hindi ito nakatutugon sa pamantayan ng mga bansang umaangkat nito. Karamihan sa ating mga talaba ay nagagamit lamang para sa lokal na pangangailangan.
Sinusuportahan ng Oyster Industry Strategic S&T Program (ISP) ang pagsisikap na mapalaki ang produksyon at mapabuti ang kalidad ng talaba upang makamit ng industriya ang kabuoang potensiyal nito. Ang nasabing programa ay isang inisyatibo ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Kaugnay nito, isinusulong sa programa ang paggamit ng balangkas na lumulutang o ‘raft’ at mahabang linya o ‘longline’ sa maramihang pag-aalaga ng talaba. Ang nasabing sistema ay mapangalaga sa kapaligiran o ‘environment friendly’ kumpara sa nakagawiang tulos o tarak na pamamaraan. Hindi ito nagdudulot ng polusyon na dala ng latak o tining sa mga alagaan ng talaba. Sa pamamaraang ito ay nakakapag-ani ng mga talaba na may timbang 75-90 gramo kapag inani sa loob ng pitong buwan matapos ang paglilipat ng mga ‘oyster spats.’
Ang paggamit ng sisidlan at trey ay isang pinahusay na pamamaraan ng pagpapalaki ng talabang isahan o single oyster. Sa nasabing pamamaraan ay makakamit ang mga talabang may halos pareparehong bigat na nasa 90 gramo; may mahusay na kalidad ng laman; at may survival rate na umaabot ng 96 hanggang 99 porsiyento pagkatapos ng pitong buwan ng pag-aalaga.
Ang single oyster ay angkop sa ‘high-end market’ gaya ng mga five-star hotels at restaurants.
Nagpamalas ng interes ang pamahalaang lokal ng lalawigan ng Negros Occidental na isulong ang paggamit ng mga nasabing teknolohiya sa pakikipagtulungan ng iba pang mga stakeholders. Ang mga ito ay kinabibilangan ng pribadong sektor, non-government organization, academe, at mga lokal na pamahalaan.
Alinsunod sa European Union (EU) standards, isinusulong ng Oyster Industry Strategic S&T Program ang sanitary quality standards para sa talaba at ang akmang kapaligiran para sa pag-aalaga nito. Tinitingnan dito ang dami ng bakterya at komposisyon nito sa tubig; pisikal at kemikal na kalidad ng tubig; latak o tining; presensya ng heavy metals, at mga labi ng pestisidyo sa laman ng talaba.
Kabilang ang mga teknolohiya sa talaba sa mga ipamamalas ng DOST-PCAARRD sa darating na National Science and Technology Week (NSTW). Ito ay gaganapin sa July 25-29 sa PCAARRD Complex at may temang Juan Science, One Nation.
Itatampok dito ang mga ‘exhibit’ na naglalayong makapagbigay ng mga teknolohiya at kaalaman na makatutulong upang mapalakas ang sektor ng agrikultura ng bansa at makatugon sa pandaigdigang pamantayan.
Gugunitain din ng DOST-PCAARRD ang ika-lima nitong anibersaryo sa Hulyo 28,2016. Tatampukan ito ng pagsasagawa ng National Symposium on Agriculture and Aquatic Resources Research and Development (NSAARRD) sa Hulyo 27, 2016 ng umaga at paggagawad ng mga karangalan sa hapon ng nasabing petsa.
Kinikilala ng NSAARRD ang mga natatanging ambag ng mga indibiduwal at institusyon sa pagpapabuti ng estado ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pagpapaunlad (research and development).