Ang Fusarium wilt ay isang uri ng sakit sa saging na taglay ng lupa. Ito ay sanhi ng Fusarium oxysporum f. sp. Cubense (Foc) na pumapatay ng mga halamang saging sa pamamagitan ng pagkalanta ng halaman. Patuloy itong nagiging banta sa tanyag na ‘Grand Nain,’ isang uri ng Cavendish na iniluluwas sa ibang bansa ng maraming kumpanya sa Mindanao.
Upang tugunan ang problema sa Fusarium wilt, nagsama-sama ang mga lokal at pambansang ahensya pati na rin ang mga grupo sa pribadong sektor sa pag-aaral ng mga paraan upang mapangasiwaan at mapigil ang paglaganap ng Fusarium wilt.
Nagsilbing tagapag-ugnay at tagapamahala ng lahat ng programa, proyekto, at mga gawain kaugnay sa pagkontrol ng Fusarium wilt ang Southern Mindanao Agriculture, Aquatic Resources Research and Development Consortium (SMAARRDEC).
Ang programang "S&T management approaches against Fusarium wilt [Fusarium oxysporum f. sp. cubense (Foc)] on Cavendish in Mindanao" ay naglalayong matugunan ang problema ng mga nagtatanim ng Cavendish sa pamamagitan ng pagtuklas ng solusyon sa tulong ng agham at teknolohiya na agarang magagamit ng mga magsasaka.
Kabilang sa mga mahalagang nagawa ng proyekto ay ang pagpili ng ‘Giant Cavendish tissue-cultured variant (GCTCV)’ na 218 at 219 na may resistensya sa Foc TR4 bilang alternatibong pangtanim sa Grand Nain.
Natukoy din ng programa ang mga nakatutulong na mikrobyong maaaring gamitin upang makontrol ang Foc TR4 sa greenhouse at mga taniman sa bukid. Ang Foc TR4 ay itinuturing na pinakamabagsik sa apat na uri ng Foc. Nakapagbigay rin ng mga kaalaman ang pag-aaral ukol sa distribusyon ng mga insidente ng Fusarium wilt sa Mindanao sa pamamagitan ng mapa na binuo sa programa.
Napanalunan ng pag-aaral na “S&T management approaches against Fusarium wilt [Fusarium oxysporum f. sp. Cubense (Foc)] on Cavendish in Mindanao” ang unang pwesto sa kategorya ng pagsasaliksik sa isinagawang National Symposium on Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (NSAARRD) sa taong ito.