Isang grupo na binubuo ng 74 na siyentistang Filipino at ‘crew’ ang naglayag sa Kalayaan Group of Islands sa West Philippine Sea para sa isang ekspedisyon na tumagal ng dalawang linggo.
Ang crew ay pinangunahan ni Dr. Deo Florence L. Onda, isang Balik Scientist.
Ang ekspedisyon ay isa sa mga gawain ni Dr. Onda bilang ‘long-term’ Balik Scientist kung saan nagsisilbing host ang University of the Philippines-Marine Science Institute (UP-MSI) simula noong 2018.
Si Onda na may kasanayan sa parehong rehiyon ng tropiko at artika, ay isa sa iilang mga microbial oceanographers sa bansa. Nagtapos siya ng PhD sa Oceanography mula sa Université Laval sa Quebec, Canada.
Layon ng ekspedisyon na magtatag ng ‘baseline data’ na makatutulong maintindihan ang kalagayan ng mga nanganganib na ‘marine ecosystems’ kaugnay ng nagbabagong kapaligiran.
Ang ekspedisyon ay isinagawa noong April 22 hanggang May 6, 2019 sa pagtutulungan ng University of the Philippines-Marine Science Institute (UP-MSI), Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR), at ng Department of Environment and Natural Resources-Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB).
Isinagawa ang ekspedisyon sa ilalim ng proyektong Predicting Responses between Ocean Transport and Ecological Connectivity of Threatened Ecosystems in the West Philippines Sea (PROTECT-WPS).
Naging unang pagkakataon para sa DENR-BMB, DA-BFAR, at UP-MSI na magkasama-sama sa isang ekspedisyon sa Kalayaan Group of Islands matapos ang maraming taon ng magkakahiwalay na ekspedisyon para sa pagsasaliksik sa West Philippine Sea. Ang tatlong nasabing ahensya ang pangunahing institusyon na nagsasagawa ng mga pagsasaliksik sa karagatan ng bansa.
Nagpahayag ng positibong pananaw si Dr. Onda para sa estado ng ‘marine science research’ sa bansa. Kabilang dito ang bilang ng mga babaeng mananaliksik na sumasama sa cruise na mas marami kumpara sa kalalakihan.
Pinansin din ni Onda ang mga kabataang miyembro ng crew na may edad 21 pataas. Sinabi niya na nakalulugod na ang mga kabataan ay masiglang nakikibahagi sa pagsasagawa ng marine science research sa bansa.
Pinahalagahan din ni Onda ang Coordinated National MSR Initiatives and Related Activities in Philippine Waters 2019 (CONMIRA 2019) ng National Coast Watch Council Secretariat na may mahalagang papel na ginagampanan sa pagsusulong sa ‘inter-agency’ at ‘multidisciplinary research.’
Samantala, ayon kay Dr. Cesar L. Villanoy, UP-MSI’s Deputy Director for Research, nagsilbi ring ‘maiden voyage’ ng RV Kasarinlan ang ekspedisyon. Ang RV Kasarinlan ang unang oceanographic research vessel ng UP-MSI.
Ayon naman kay Dr. Fernando P. Siringan, UP-MSI Director, ang ekspedisyon ay magbibigay ng mahahalagang impormasyon sa tamang paggamit, ‘monitoring,’ pangangasiwa, at pangangalaga ng mayamang ‘marine resources’ ng bansa.
Dahilan sa sumasama ang kondisyon ng maraming mga bahura sa maraming isla ng bansa, idinagdag ni Dr. Siringan, na patutunayan ng ekspedisyon ang kahalagahan ng Kalayaan Group of Islands sa pagpapanumbalik ng populasyon ng mga nasirang mga bahura.