Noong ika-apat ng Disyembre taong 2012, tinamaan ng bagyong Pablo ang Davao del Norte, Compostela Valley, at Davao Oriental. Nasalanta ang mga taniman ng saging, niyog, at iba pang mga importanteng tanim na tanging pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.
Upang manumbalik ang kanilang mga sakahan at tumaas ang kanilang kita, limang proyekto ang isinakatuparan ng Davao del Norte State College (DNSC), Southern Philippines Agri-Business and Marine and Aquatic School of Technology (SPAMAST), Davao Oriental State College of Science and Technology (DOSCST), at University of Southeastern Philippines Tagum-Mabini Campus (USeP Tagum-Mabini).
Ang mga proyektong ito ay isinakatuparan mula 2013 hanggang 2015 at pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang unang proyekto na may titulong, “Pangtawid Project for the Rehabilitation of Davao Oriental and Compostela Valley through Seaweed Farming,” ay nakatulong sa 233 na nag-aalaga ng seaweed. Nakapagtatag din ng anim na sakahan ng seaweed na may kabuuang lawak na 15.4 ektarya at dalawang narseri na may lawak na 1.2 ektarya sa ilalim ng proyekto. Pinangunahan itong proyekto ng DNSC.
Ipinakilala rin sa mga magsasaka ang ilang mga teknolohiya sa produksyon gaya ng mataas na ‘cropping period’ para sa mas magandang kalidad ng seaweed; pamamaraan ng ‘multiple-floating line’ para sa pagpaparami ng seaweed; pamamahala sa mga peste; at tamang pag-ani upang maiwasan ang mga sakit.
Ang pangalawa hanggang pang-apat na proyekto ay tungkol sa produksyon ng niyog at saging at pinangunahan ng mga Magsasaka Siyentista (MS) sa Compostela Valley, Davao Oriental, at Davao del Norte. Sa mga proyektong ito, itinuro sa mga magsasaka ang paggamit ng mga walang sakit na pananim; tamang espasyo sa pagtatanim; pamamahala sa paglagay ng abono; pamamalaha sa mga peste; at iba pang paraan ng pag-aalaga o ‘cultural management.’
Ang proyekto sa Compostela Valley ay pinangunahan ng USeP Tagum-Mabini Campus, samantalang ang proyekto sa Davao del Norte ay pinangunahan ng SPAMAST. Ang proyekto naman sa Davao Oriental ay pinangunahan ng DOSCST.
Sinanay din ang mga magsasaka sa produksyon ng saging at binigyan ng mga gamit pananim at pang-saka tulad ng abono, pestisidyo, ‘herbicides,’ ‘trichoderma,’ ‘Mykovam,’ at iba pa. Walumpu’t walong farmer-cooperators ang nakatanggap ng 12,285 Cardaba, 10,550 Lakatan, at 1,560 niyog na pananim para sa 22 ektarya na taniman.
Ang huli at pang-limang proyekto ay isang sistema ng pagsasaka na matuturing na ‘sustainable’ para sa mga sakahan na matatagpuan sa matataas na lugar. Ito ang Sloping Agricultural Land Technology (SALT) na nakapagbibigay ng sistemang ‘sustainable’ at matibay kahit sa gitna ng pagbabago-bago ng klima o ‘climate change.’ Bukod sa SALT, ipinakilala rin sa mga magsasaka ang vermiculture, ‘Food Always in the Home (FAITH) gardening,’ at tamang pamamaraan ng pamamahala ng peste at pamamaraan ng pag-aalaga ng tanim. Pitumpu’t apat na magsasaka ang sinanay sa mga pamamaraang ito.
Ang pang-limang proyekto ay pinangunahan ng USeP at ng Southern Mindanao Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development Consortium (SMAARRDEC).
Ang mga natupad sa limang proyektong ito ay naka-paloob sa programang, “Assessment, Capacity Building and Rehabilitation of Selected Pablo-Stricken Communities in Davao Region,” na nakakuha ng pangatlong pwesto sa Best R&D Award sa kategoryang ‘Development’ sa National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development o NSAARRD.