Nirepaso ang mga proyekto sa ilalim ng ‘Industry Strategic S&T Program (ISP) para sa Abaca sa tanggapan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) kamakailan.
Ang una sa mga nasabing proyekto ay may kinalaman sa makabagong pamamaraan ng pagsusuri sa mga haybrid ng abaka na nakapagbibigay ng mataas na ani ng hibla at may resistensya laban sa ‘bunchy top virus (BTV)’ sa mga piling lugar sa Catanduanes, Bicol.
Tinalakay ni Dr. Antonio G. Lalusin ng Institute of Plant Breeding, College of Agriculture and Food Science, University of the Philippines Los Baños (IPB-CAFS, UPLB), ang estado at progreso ng proyekto sa unang taon ng pagpapatupad nito. Ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan ni Ms. Nena V. Santos ng Catanduanes State University (CatSU), ‘project component leader’ ng unang proyekto.
Iniulat nina Lalusin at Santos na ang mga haybrid ay mahusay na umakma sa lugar taniman dahilan sa mainam na topograpiya nito na siyang itinuturing na pangunahing pangangailangan para sa produksyon.
Samantala, ang pangalawang proyekto ay tungkol sa pagtatatag ng sampung ektarya ng taniman ng abaca hybrids sa Visayas State University (VSU) na naglalayon na masuri ang kalidad ng hibla para sa industriya ng sapal o ‘pulp.’
Tinalakay ni Dr. Ruben R. Gapasin ng VSU ang mga naisakatuparan ng pangalawang proyekto at ang patuloy na pagpapadami ng haybrid ng abaka at pagsusuri ng mga hibla nito.
Sinuri ang mga proyekto ng DOST-PCAARRD Technical Review and Evaluation Team sa pangunguna ni Ms. Leilani D. Pelegrina, Section Head ng Monitoring and Evaluation and Program-based Information System ng Crops Research Division (CRD). Kasama din sa ‘evaluation team’ si Dr. Avelino D. Raymundo, Technical evaluator at si Ms. Renelle C. Yebron, ISP Manager para sa abaca.
Sinundan ang pagrepaso sa proyekto ng pagbisita sa ‘tissue culture laboratory’ at ‘abaca nursery’ sa IPB-CAFS, UPLB.