Ang tahong (Perna viridis) ay isa sa mga pagkaing dagat na nakitaan ng karagdagang gamit na maaaring makapagtaas sa kontribusyon nito sa ekonomiya ng pangingisda sa bansa. Maliban sa pagkonsumo nito bilang pagkain, mayroon itong potensyal na gamit bilang sangkap sa mga produktong pampaganda.
Ito ay natukoy sa proyektong, “Extraction and Utilization of Mussel Glycogen under the Mussel Biotechnology Program” na pinangungunahan ng University of the Philippines Visayas - Tacloban Campus na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Kabilang din sa proyekto ang paggamit ng bahong (Mytella strigata) at abahong (Modiolus philippinarum).
Upang makabuo ng mga produktong pampaganda gaya ng ‘cream’ o pampahid, at sabon, kinuha ang ‘glycogen’ mula sa mga tahong kung saan ang mga ito ay ipoproseso sa mga laboratoryo sa pamamagitan ng makabagong kaalaman sa ‘biotechnology.’ Ang mga pinrosesong glycogen sa laboratoryo ay epektibo sa pagkuha naman ng ‘nucleic acid’ sa pamamaraang ginamitan ng Polymerase Chain Reaction o PCR.
Nagsagawa ng ‘feasibility study’ sa ‘market operations’ gaya ng produksyon, organisasyon, at pamamahala ng produkto upang malaman kung maaari itong i-‘manufacture’ at malaki ang magiging potensyal na kita dito sa merkado. Naipakita sa ‘financial analysis’ na mataas ang Internal Rate of Return (IRR) na 193.95% at Benefit-Cost-Ratio (BCR) na 1.70. Ang IRR ang inaasahang paglago ng puhunan bawat taon, samantalang ang BCR na higit pa sa 1.0 ay nakapagbibigay ng positibong ‘net present value.’
Ang mga pag-aaral sa paggawa ng karagdagang gamit sa tahong bukod sa bilang pagkain ay isinagawa dahil ang industriya ng pagtatahong ay labis na naapektuhan ng mga harmful algal blooms (HABs) na siyang sanhi ng 'red tide.' Ang red tide ay nagdudulot ng kabawasan sa kita sa industriya na umaabot sa P250 milyon sa bawat pagkakataon na ito ay nangyayari.