Nagsama-sama ang mga mananaliksik ng Nueva Viscaya State University sa isang programa upang tugunan ang mga problema sa industriya ng citrus sa Cagayan Valley.
Kabilang sa mga nasabing suliranin ang kakulangan sa lokal na ‘supply’ dulot ng sakit at peste at di maayos na pangangasiwa sa mga taniman, maliban sa iba pang mga dahilan.
Pinupunuan ang lokal na pangangailangan sa citrus ng pag-aangkat mula sa China, ngunit ito ay lubhang dumadaig sa lokal na industriya ng citrus hindi lamang sa halaga kung hindi maging sa kalidad.
Layon ng programa na magkaroon ng mga maka-siyensya at teknolohiyang istratehiya upang matulungan ang lokal na produksyon ng citrus.
Binubuo ang programa ng mga proyekto sa ‘value chain analysis,’ ‘gene bank,’ at ‘database profiling’ ng ‘genetic resources,’ ng citrus, pagtatatag ng sistema ng produksyon ng may mataas na kalidad na mga pananim, at pagbuo ng tamang sistema ng pangangasiwa sa peste at sakit sa mga taniman.
Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang programa.
Inaasahang makatutulong ang programa upang mapataas sa 233 porsyento ang ani ng citrus sa bansa. Ito ay mula sa 4.5 tonelada bawat ektarya tungo sa 15 tonelada bawat ektarya. Layon din nitong bawasan ng 60 porsyento ang mga napipinsalang prutas pagkatapos mag-ani.
Ang mga nasabing target ay bahagi ng Citrus Industry Strategic S&T Program (ISP) ng DOST-PCAARRD. Nakabalangkas sa nasabing programa ang mga prayoridad, inisyatibo at mga plano ng bansa para sa citrus.