“Kailangan pa natin ng mas marami pang balik scientist na makatutulong sa mga pagsasaliksik at pagpapaunlad’ na isinasagawa ng mga Higher Education Institutions (HEIs).’
Ito ay ipinahayag ng mga kinatawan ng HEIs na katuwang ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa isinagawang Balik Scientist Program (BSP) Consultation Meeting sa Cebu City kamakailan.
May mahigit sa 500 mga dalubhasang Filipino mula sa ibang bansa ang naging bahagi na ng Balik Scientist Program ng pamahalaan sa nagdaang 42 taon. Sa mga nasabing siyentista, 180 ang nagpasyang bumalik sa bansa.
Binigyang diin ni Dr. Melvin B. Carlos, OIC Deputy Executive Director for Administration, Resource Management, and Support Services ng PCAARRD ang kahalagahan ng mas aktibong pamamaraan na makahihikayat ng mas maraming balik scientist na makatutulong sa pagpapaunlad ng bansa sa pamamagitan ng siyensya, teknolohiya, at mga bagong imbensyon.
Ang konsultasyon sa mga HEIs ay isinagawa upang matukoy ang mga kinakailangang kadalubhasaan sa nasabing gawain.
Idinagdag naman ni Dr. Juanito T. Batalon, Direktor ng PCAARRD’s Institution Development Division (IDD), na kinakailangan din ang mas maraming mga HEIs sa mga rehiyon na makikiisa sa BSP. Ang IDD ang siyang nagpapatupad ng BSP sa sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman.
Tinukoy ng mga kinatawan ng HEIs na dumalo sa konsultasyon ang mga pangangailangan sa mga balik scientist na dalubhasa sa ‘virology,’ ‘plant breeding,’ ‘crop modeling,’ ‘bioinformatics,’ ‘crop physiology,’ ‘precision agriculture,’ ‘nanotechnology,’ ‘molecular genetics,’ ‘agricultural extension and agriculture and rural development,’ ‘coastal resources management,’ at ‘carbon stock assessment,’ kabilang ang iba pang mga ‘technical expertise.’
Ang BSP ay gagawing isang programang institusyon matapos maipasa ang Balik Scientist Act.
Sa ilalim ng nasabing batas, binibigyan ang mga balik scientist ng mga pinahusay na benepisyo at insentibo. Ang ‘medium-term engagement’ ng isang balik scientist ay itinakda sa anim na buwan hanggang isang taon. Ito ay bukod sa ‘short-term engagement’ na tumatagal ng isa hanggang tatlong buwan at ‘long-term engagement’ na tumatagal ng dalawa hanggang tatlong taon.
Ang mga long-term balik scientist ay tatanggap ng mga bagong benepisyo gaya ng ‘subsistence allowance,’ suporta sa pagkakaroon ng trabaho para sa kanyang asawa, at ‘admission support’ sa paaralan para sa kanilang mga anak.
Bukod dito, tatanggap din ang balik scientist ng pondo para sa mga ‘R&D projects’ gaya ng pagtatatag at pagpapahusay sa mga pasilidad ng laboratoryo ng napiling HEIs.
Kasama ng PCAARRD sa pagpapatupad ng programa ang DOST-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), sa ‘health industry’ at ang DOST-Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD) para sa larangan ng Industry, Energy, Emerging Technology, and Special Concerns.