Malapit nang isagawa ang dalawang proyekto sa ‘Anguillid’ na igat sa Cagayan State University (CSU) Aparri Campus at Bicol University Tabaco Campus (BUTC).
Sa unang proyekto, pag-aaralan ang komposisyon ng mga uri ng nasabing igat at ang bahagi ng taon kung kailan sila ay napapanahon, partikular sa mga ilog sa hilagang-silangang Luzon. Ito ay pangungunahan ni Dr. Eunice Layugan ng CSU Aparri Campus.
Sa pangalawang proyekto, pag-aaralan ang mga binhi ng igat sa mga palaisdaan sa mga sangay ng ilog sa Lagonoy Gulf kaugnay ng kanilang implikasyon sa pangangalaga at pangangasiwa. Pangungunahan ang proyekto ni Dr. Plutomeo Nieves ng BUTC.
Ang mga nasabing mga proyekto ay popondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang proyekto ng CSU ay isasagawa sa mga ilog ng Palauig at Sta. Cruz sa Sta. Ana, Cagayan at sa mga ilog ng Maconacon, Divilican, at Palanan sa silangang Isabela. Ang proyekto naman ng BUTC ay tutuon sa mga malalaking ilog na nakapalibot sa Lagonoy Gulf.
Unang beses na pag-aaralan ang igat sa Bicol at hilagang-silangang Luzon, kung saan walang kongkretong datos tungkol sa katayuan ng palaisdaan ng igat.
Ang mga datos na makokolekta sa Sta. Ana, Cagayan at sa Isabela gaya ng pagkakaiba-iba at kasaganaan ng uri ng igat ayon sa bahagi ng taon, at iba pang datos ay inaasahang makatutulong sa pagbuo ng protokol sa pagkondisyon ng mga igat mula paghuli hanggang sa pagdadala ng mga ito sa ibang lugar.
Ang mga datos naman na kokolektahin sa Lagonoy Gulf ay tutukoy sa mga lugar kung saan makakahuli ng igat, komposisyon ng mga uri ng igat, pagdami nila ayon sa bahagi ng taon, kahusayan ng mga ginagamit na uri ng panghuli, pangangasiwa sa mga nahuli, pagbibiyahe, at ‘supply and value chain.’
Mapupunan ng dalawang proyekto ang proyekto ng Isabela State University (ISU) sa ilalim ng programang DOST Niche Center in the Region (NICER) na may titulong, “Establishment of Freshwater Fisheries Center for Cagayan Valley.” Ang proyektong ito ay tumatalakay sa pagkaligtas ng buhay ng mga igat na matatagpuan sa tubig-tabang sa pamamagitan ng paggamit ng ‘immunostimulants.’