Nagsasagawa ng mga pagsubok ang isang proyekto sa rehiyon II, III, VII, at X upang tiyakin ang mga benepisyo ng carrageenan sa munggo at mani.
Ang proyekto na may titulong “Multi-location Trials of Oligo-Carrageenan for Improved Productivity of Mungbean and Peanut in Regions II, III, VII, and X,” ay pinangungunahan ng Philippine Nuclear Research Institute ng Department of Science and Technology (DOST-PNRI).
Ang mga pagsubok ay isinasagawa sa paraang ‘on-station’ at ‘on-farm’ na pagsusuri sa mga pangunahing lugar na nagtatanim ng munggo at mani kabilang ang Isabela, Cagayan, Pampanga, Bohol, at Bukidnon.
Nilalayon ng proyekto na suriin ang bisa ng carrageenan sa mga pangunahing sakit at peste ng munggo at mani; pag-aralan ang epekto ng carrageenan sa tagal ng produksyon mula sa pagtatanim hanggang sa pag-ani o ‘cropping cycle’; at ang itinatagal at bisa nito kapag ito ay iniimbak.
Pagkatapos ng mga pagsubok, inaasahang ibibilang ang paggamit ng carrageenan sa mga inirekomenda na ‘cultural’ at ‘management practice’ bilang bahagi ng bagong ‘package of technology (POT)’ para sa munggo at mani.
Bago matapos ang proyekto, kukuha ang proyekto ng permiso para sa ‘label expansion’ nito mula sa Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) – kung saan ibilbilang ang carrageenan bilang ‘plant growth promoter (PGP)’ para sa munggo at mani. Makatutulong ito upang mapabilis ang komersiyalisasyon ng teknolohiya para sa kapakinabangan ng mga magsasaka sa apat na rehiyon.
Tinalakay ng Crops Research Division (CRD) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang mga nasabing impormasyon sa isinagawang ‘review and planning workshop’ kamakailan. Ito ay ginanap sa Department of Agriculture Region 10 - Northern Mindanao Agricultural Crops and Livestock Research Complex (DA-NMACLRC), Dalwangan, Malaybalay City, Bukidnon.
Ang nasabing gawain ay kasabay ng “2nd National Adlay Congress and Product Exhibits” at ng “24th DA-RFO X/ NMACLRC Farmer’s Field Day and Technology Forum.”
Ang mga tagapagpatupad at katuwang na ahensiya ng proyekto ay kinabibilangan ng Pampanga State Agricultural University (PSAU), Department of Agriculture – Regional Integrated Agricultural Research Centers (DA-RIARCs) sa Region II (Cagayan Valley Research Center), Region VII (Central Visayas Integrated Agricultural Research Center/ CENVIARC), and Region X (Northern Mindanao Agricultural Crops and Livestock Research Complex/ NMACLRC).
Sa pamamagitan ng project leader at project staff, inilahad ng mga nasabing ahensiya ang kanilang mga nagawa sa proyekto sa ‘panel of technical evaluators’ ng DOST-PCAARRD.
Sa ilang mga ‘multi-location trials’ sa paggamit ng carrageenan sa palay sa Region III at IV-A, nakita ang 15 hanggang 40% pagtaas sa ani ng palay gamit ang ipinapayong 9 na litro ng carrageenan bawat ektarya.
Nang gamitin ang carrageenan sa palay bilang ‘foliar spray’ nagpakita ang halaman ng maayos na paglaki, pagsibol ng buto, paghaba ng suwi, pagdami at paglago ng ugat, pagdami ng bulaklak, pagpigil sa pagkakaroon ng ‘heavy metals,’ at pagbuti ng ‘immune system’ ng halaman laban sa peste at sakit. Ang mga nasabing epekto ng carrageenan sa palay ang naging dahilan upang subukan ang paggamit nito sa ibang mahahalagang pananim gaya ng munggo at mani.
Ipinakita ng resulta ng on-farm trials na isinagawa ng PSAU sa Magalang, Pampanga na ang paggamit ng carrageenan bilang ‘foliar spray’ sa munggo (Var. Labo) ay nakapagpataas ng ani ng 750% kumpara sa nakagawiang pamamaraan ng mga magsasaka. Nagpakita naman ito ng 60% kalamangan sa mani (Var. NSIC Pn 14). Ang paggamit ng 100 ppm carrageenan para sa munggo at mani ay iminungkahi bilang bahagi ng ‘protocol’ mula sa mga resulta ng pagsusuri na isinasagawa ng proyekto.