Kinilala ang mga natatanging gawain sa pagsasaliksik at pagpapaunlad sa isinagawang 29th Regional Symposium on R&D Highlights (RSRDH) na pinangunahan ng Ilocos Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (ILAARRDEC).
Isinagawa ang pagkilala kamakailan sa Mariano Marcos State University (MMSU) Teatro Ilocandia, Batac City sa pakikipagtulungan ng MMSU, ang host agency.
Ang symposium ay may temang “Enhancing Research Culture to ACHIEVE AmBisyon Natin 2040.”
Itinampok sa symposium ang paglalahad at pagpili ng mga pinakamahusay na ‘scientific papers’ at ‘posters’ sa larangan ng pagsasaliksik at pagpapaunlad.
Sa 45 ‘technical papers’ na inihayag, 33 sa mga ito ay nasa kategorya ng ‘oral research’ at 12 ang nasa kategorya ng ‘oral development.’
Sa 54 na ‘poster’ naman na ipinakita sa symposium, 39 ang nasa kategorya ng research, 11 sa development, at 4 ang inuri bilang ‘non-competing posters.’
Nakuha ng pag-aaral na may titulong, “Identification and Characterization of Stress Tolerant Yeasts and Microbial Community Profiling of Nipa Sap Fermentation from Pamplona, Cagayan,” na isinagawa ng MMSU, ang unang pwesto sa Oral Research Category.
Napanalunan naman ng pag-aaral na may titulong, “Enhancing Goat Performance through Innovative Management Interventions and Farm Records,” na isinagawa ng Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU), ang unang pwesto sa Oral Development Category.
Napanalunan naman ng pag-aaral na may titulong “Development of Chevon Products from Slaughter by-products,” ang ika-tatlong pwesto sa Oral Research Category. Ang pag-aaral ay isinagawa ng DMMSU at pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Sa ‘poster presentation,’ napanalunan ng pag-aaral na may titulong “Climate Risk Vulnerability Assessment of Ilocos Sur,” ang research category, samantalang napanalunan naman ng pag-aaral na may titulong, “Tulbek ti Mataginayon ken Naprogreso a Panagtalon,” ang unang pwesto sa development category.
Ang mga nanalo ng unang pwesto sa ‘oral presentation’ ng ‘research’ at ‘development categories’ ay maaaring lumahok sa ‘Best R&D Paper Awards’ sa isasagawang National Symposium on Agriculture and Aquatic Resources Research and Development (NSAARRD) ngayong taon.