Ang pagtatarak o paggamit ng kawayan sa pag-aalaga ng tahong ay nagdudulot ng polusyon o ‘sedimentation’ sa lugar-alagaan at nakapagbibigay ng masamang epekto sa kapaligiran. Upang mapalitan ang ganitong pamamaraan sa pag-aalaga ng tahong, ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ay pinagbubuti ang pamamaraang ‘longline’ at ‘raft.’ Ito ay makapagtataas ng produksyon at kalidad ng tahong. Ang mga nasabing pamamaraan ay mas mabuti rin para sa kapaligiran.
Sa kabila nito, hindi pa rin alam ng karamihan ang mga impormasyon na binabahagi ng PCAARRD. Upang ipakalat ang kaalaman tungkol sa mga teknolohiyang ito, nagdaos ng isang pagsasanay ang PCAARRD noong Abril 26 hanggang 28 sa Samar State University (SSU) Mercedes Campus. Ang pagsasanay ay may titulong, “A Training on Advancements in Mussel Culture: Livelihood Opportunities for Coastal Villagers.”
Ang pagsasanay ay naglalayon na mapataas ang kaalaman ng mga mananaliksik tungkol sa makabago o alternatibong pamamaraan ng pag-aalaga ng tahong; mapasailalim sila sa aktwal na pagsasanay ng paggawa ng alternatibong teknolohiya ng pag-aalaga ng tahong; at makakuha ng mga mungkahi para sa pagbuo ng “Pinoy longline Training Manual.”
Ang mga paksang tinalakay at mga tagapagsalita ay ang sumusunod: “ISP for Inland Aquatic Resources and Developed Technologies,” ni Dr. Dalisay DG. Fernandez, Direktor ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng PCAARRD; “Lessons Learned on Mussel Transplantation, Advances in Mussel Farming, and Raft and Longline Culture Technologies: Their Advantages and Economic Benefits,” ni Dr. Carlos C. Baylon, Mussel R&D Program Leader ng University of the Philippines Visayas sa Miagao, Iloilo; at “Spat Collection Methods,” ni Prof. Renato C. Diocton, Mussel Project Leader ng SSU.
Ang mga kalahok ay sumailalim sa ‘hands-on’ na pagsasanay kung saan sila ay kailangang magtayo ng ‘longline’ at ‘spat collectors.’ Ang mga nabuong longline ay inilatag sa Lutao Reef, samantalang ang mga ‘spat collectors’ ay inilagay sa Silanga Bay na parehos matatagpuan sa Catbalogan, Samar.
Nagpasalamat sa PCAARRD ang mga kalahok dahil sa kaalamang kanilang nakuha tungkol sa makabagong pamamaraan ng pag-aalaga ng tahong. Ayon sa mga kalahok, ibabahagi nila ang kaalaman na kanilang natutunan sa ibang mga nag-aalaga sa kani-kanilang bayan.