Tatlong mananaliksik sa larangan ng inland aquatic resources ang ginawaran ng titulong Scientist ng UP System sa seremonya na ginanap kamakailan sa UP NISMED Auditorium, Diliman, Quezon City.
Ginawaran ng titulong Scientist l si Dr. Rex Ferdinand M. Traifalgar, Associate Professor 4 sa University of the Philippines (UP) Visayas, Miagao, Iloilo.
Si Dr. Traifalgar ay may doctoral degree sa Fisheries Science (Nutritional Immunology) at nagtapos sa Kagoshima University, Japan.
Kabilang sa mga pag-aaral na ginawa ni Dr. Traifalgar ang epekto ng immune compounds mula sa brown algae sa pagpapahusay sa paglaki at resistensya ng cultured shrimps sa sakit. Sinuri rin niya kung paano mapahuhusay ang pag-papalaki ng larba, pagpapayaman sa kanilang pakain, pagbabawas sa depormidad ng ulo, at paggamit ng aquatic plants bilang pinakamahusay na pakain para sa hipon at mud crab.
Karamihan sa mga pagsasaliksik na isinagawa ni Dr. Traifalgar ay sa ilalim ng mga proyekto na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Pinangunahan din ni Traifalgar ang mga pagsasaliksik sa pag-uuri at pagkilala sa bakterya na nagiging dahilan ng masamang lasa ng bangus para sa kapakinabangan ng mga mangingisda sa Laguna Lake. Ang nasabing pag-aaral ay pinondohan din ng DOST-PCAARRD.
Ginawaran din ng titulong Scientist l ng UP System sa pangalawang pagkakataon si Dr. Liberato V. Laureta, Professor 10 sa UP Visayas, Miagao, Iloilo. Si Dr. Laureta ay may doctoral degree mula sa University of Liverpool, United Kingdom.
Nakapaglathala si Dr. Laureta ng iba’t-ibang research articles sa national at international refereed journals. Nailathala rin niya ang aklat na may titulong Compendium of the Economically Important Seashells of Panay Island, Philippines.
Ang nasabing aklat ay ginawaran ng titulong Outstanding Book in Natural Science ng National Academy of Science and Technology, DOST (DOST-NAST) noong 2012, at ng Book Development Association of the Philippines at National Book Development Board noong 2010.
Si Dr. Laureta ay Program Leader ng DOST-PCAARRD project, Enhancement of Hatchery and Nursery Practices for Reliable Supply of Quality Seeds for the Green-lipped Mussel (Perna viridis) Farming. Project Leader din siya ng Development of Remote Setting and Nursery Technologies for the Green Mussel.
Ginawaran naman ng titulong Scientist lll ng UP System si Dr. Augusto E. Serrano, Jr., Professor 12 sa UP Visayas, Miagao, Iloilo. Si Serrano ay may doctorate degree sa Fisheries Science mula sa Tokyo University of Fisheries, Japan.
Nakatanggap si Dr. Serrano ng iba’t-ibang parangal sa larangan ng fisheries research. Nakapaglathala siya ng 86 na technical papers sa mga national at international refereed journals. Siya ay Program Leader ng DOST-PCAARRD National Aquafeeds R & D Program at Project Leader ng Utilization of Seaweed/Seaweed by-products as Feed Ingredients for Milkfish, Tilapia and Shrimps.
Ang parangal ay nakasentro sa patuloy na ambag ng tatlong mananaliksik sa pagsulong ng bansa sa pamamagitan ng resulta ng kanilang mga pag-aaral. Ang gawad parangal ay tatagal ng tatlong taon at maaring muling igawad sa panibagong termino base sa magiging pakinabang ng resulta ng kanilang pananaliksik.