LOS BAÑOS, Laguna – Idodokumento ng isang proyekto ang mga katutubong gulay na matatagpuan sa iba’t-ibang lalawigan ng bansa.
Ang nasabing proyekto ay pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Pangungunahan ni Professor Nestor C. Altoveros ng Institute of Crop Science, College of Agriculture and Food Science, University of the Philippines Los Baños (ICropS-CAFS, UPLB) ang nasabing inisyatibo.
Ayon kay Altoveros, mahalaga na mapalaganap ang produksyon at paggamit ng katutubong gulay bilang panghalili at karagdagan sa mga pangkaraniwang mga gulay na kilala ng mga Pilipino.
Kakalapin ng grupo ni Altoveros ang mga nakalimbag at hindi pa nailalathalang mga ‘electronic materials’ sa 25 lalawigan sa 17 rehiyon ng bansa. Mangangalap din sila ng mga mga materyales mula sa mga nasyonal at lokal na ahensyang pang-publiko at pribadong institusyon upang makapag limbag ng mga detalyadong ‘information, education and communication (IEC) materials.’
Isa sa mga output ng nasabing proyekto ay ang ‘abstract and index database’ tungkol sa katutubong gulay na magagamit ng mga mananaliksik at iba pang mga interesadong indibiduwal.
Alinsunod sa target ng Industry Strategic S&T Program (ISP) for Vegetables, ng DOST-PCAARRD, inaasahang makatutulong ang proyekto upang tumaas ang pagkonsumo ng ligtas na mga gulay sa bansa.