Philippine Standard Time

Mga istratehiya sa pagkontrol ng cocolisap isinulong

Nakikipagtulungan ang Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) sa tanggapan ng Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization (OPAFSAM) at sa iba pang ahensiya upang sugpuin ang pananalasa ng cocolisap sa CALABARZON.

Ang PCAARRD ay isa sa mga tanggapan ng Department of Science and Technology at
siyang nangunguna at nagbibigay direksiyon sa mga isinasagawang pananaliksik sa larangan ng agrikultura, pangisdaan at likas na yaman.
          
Pinondohan at kasalukuyang sinusubaybayan ng PCAARRD ang pitong proyekto upang makabuo ng sistematiko at madaliang mga istratehiya upang sugpuin ang cocolisap.

Iniulat ng mga eksperto ng Philippine Coconut Authority (PCA) na ang cocolisap na nasa isang puno na apektado ng impestasyon ay maaring kumalat sa direksiyon patungong hilagang silangan sa layong apat na daang metro bawat buwan. Ang impormasyong ito ay mahalaga sa ‘mapping’ at ‘forecasting’ ng pagkalat ng impestasyon.  

Ayon sa mga eksperto, ang impestasyon ay maaaring makaapekto sa mga pangunahing lalawigan na may niyugan kung hindi agad masusugpo ang nasabing pesteng insekto.

Kasalukuyang isinusulong ang pagpupungos ng mga dahon ng niyog na apektado ng impestasyon bilang unang depensa laban sa cocolisap. Ipinapayo rin ang malakihan at malawakang pagbobomba gamit ang ‘botanical’ at iba pang ‘organic medium’ sa mga ‘certified organic farm’ sa mga unang yugto ng impestasyon. 

Kung ang impestasyon ay nalala, ipinapayo ng PCA ang paggamit ng ‘emergency crop care strategy,’ partikular ang ‘trunk injection’ gamit ang mga rehistradong ‘systemic insecticides.’
Inirerekomenda ng mga eksperto ang paggamit ng ‘trunk injection’ sa pag-target sa peste upang maiwasan ang pinsala sa kapaligiran at banta sa kalusugan kumpara sa iba pang pamamaraan gaya ng pagbobomba, pagbabasa ng lupa, at pagpapadaloy sa ugat ng puno gamit ang systemic insecticides.

Bumuo ang mga siyentista at mga mananaliksik mula sa iba’t-ibang ahensiya  ng isang pangkalahatang ‘protocol’ gamit ang Integrated Pest Management para sa maagap at malawakang pagsugpo  ng cocolisap.
Iniendorso ng DOST ang protocol na ito sa OPAFSAM upang ipamahagi sa mga magsasaka, lokal na pamahalaan, at mga NGO.

Bilang bahagi ng Scale Insect Emergency Action Program (SIEAP), pinapaalala ng CSI Task Force na ang insektisidyo ay gagamitin lamang upang bigyan ng solusyon ang mataas na populasyon ng cocolisap. Kapag ang populasyon ay hindi na masyadong mapaminsala, maaring gumamit ng organikong pangbomba, at magpakawala ng biological control agent (BCA) gaya ng Telsimia nigrita at Chilocorus nigrita at ‘parasitoid’ upang kainin ang natitirang populasyon.

Upang pahusayin ang mga nasabing ‘control measure,’ sinusuportahan ng PCAARRD ang iba pang inisyatibo sa pananaliksik gaya ng pagpapalakas ng protocol sa maramihang produksyon ng BCA, pagpapahusay ng mga pasilidad para dito, pagsusulong sa paggamit ng IPM, at iba pang pamamaraan.