Patuloy ang pagyabong ng industriya ng niyog dahil sa suporta ng mga ahensya ng gobyerno.
Kamakailan lamang ay ginanap ang Technology to People (T2P) Media Conference na handog ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) kung saan naging tema ang “Coco-usapan: ‘Hybrids’ Tungo sa Masaganang Niyugan.”
Kabahagi ng pambansang kilusan upang palakasin ang industriya ng niyog, pinangunahan ng DOST-PCAARRD at Philippine Coconut Authority (PCA) ang kampanya upang maghatid ng mga makabago at mahalagang impormasyon tungkol sa ‘coconut hybridization.’
Kasama sa aktibidad ang mga eksperto mula sa PCA na nagbigay ng mga karagdagang impormasyon tungkol sa Coconut Hybridization Program (CHP).
Ang mga ‘hybrid’ na niyog ay bunga ng dalawang magkaibang barayti ng niyog na napili dahil sa mga natatangi nilang katangian. Bilang resulta, naipapasa sa mga bunga ang mga magagandang katangian ng parehong magulang. Dahil sa mga benepisyong dala ng mga hybrid kumpara sa mga nakasanayang barayti ng niyog, maaring maging mas masagana ang produksyon at maigi ang operasyon ng pagniniyog.
Isa sa mga tampok sa nasabing pagtitipon ang Deputy Administrator ng PCA-Research and Development Branch na si G. Ramon L. Rivera. Tinalakay ni Deputy Administrator Rivera ang kapakinabangan ng mga hybrid na niyog gaya ng mas mataas ang ani at kalidad ng bunga, mas maikling paggulang ng mga puno, mas madaling pag-aani dahil sa mas mabababa ang mga hybrids kaysa sa tradisyunal na barayti, at mas mababang gastos sa produksyon nito.
Dagdag pa ni Deputy Administrator Rivera, sa loob lamang ng 4–5 taon ay nasa wastong gulang na ang mga puno upang mamunga. Ang mga hybrids ay may kakayanang magbunga ng mula 15,000 hanggang 22,000 na niyog kada ektarya ng lupa sa isang taon. Ayon sa kanya, ang mga katangiang ito ay makapag-eenganyo sa mga magniniyog dahil sa potensyal nitong mapataas ang kita at mapababa ang gastos sa operasyon.
Bagamat malaki ang mga benepisyo ng mga hybrid na niyog para sa mga magniniyog at konsyumer, binigyang diin ni Deputy Administrator Rivera na ang layunin ng CHP ay hindi para palitan ang ibang barayti ng niyog sa bansa, kundi upang magbigay ng karagdagang alternatibo para sa mga magsasaka.
Pagdating sa paglilinang ng mga teknolohiya, tinalakay ng direktor ng Crops Research Division ng DOST-PCAARRD na si Dir. Leilani D. Pelegrina na patuloy ang mga inisyatibo sa ilalim ng ‘research and development’ (R&D) upang mas paigtingin pa ang mga teknolohiya para sa mga hybrid na niyog. Ayon kay Dir. Pelegrina, kasama sa mga sinusuri ngayon ng mga siyentista ang pagpapaigting ng ‘fertilization’ ng mga ito, at ang pagtukoy at pagsugpo sa mga sakit at pesteng insekto nito.
Kasama sa pagtitipon ang mga piling benepisyaryo ng CHP upang magbigay ng kanilang mga kaalaman at kwento ng tagumpay. Ilan sa kanila ay sina Bb. Jhoana Anareta ng D’Farm; G. Oliver Sicam ng Sycamore Farm; Engr. Gabriel Nuez ng GBN Healthy Secrets Coconut Products Manufacturing; at Bb. Sylvia Ordoñez ng Kapampangan Development Foundation, Inc. (KDF) Farm.
Ayon sa kanila, malaki ang naitutulong ng suporta ng pamahalaan sa pagbibigay ng mga oportunidad upang palakasin ang produksyon at operasyon ng kanilang mga negosyo. Higit pa sa mga binhi ng niyog, ang mga iseminar mula sa sa mga ahensyang gaya ng DOST-PCAARRD ay susi sa tagumpay ng kanilang mga negosyo. Dagdag pa nila, ang mga programang gaya ng CHP ay nagbukas ng mga daan upang maipamahagi ang kanilang tagumpay sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga trabaho at pagbabahagi ng kanilang kaalaman sa industriya.
“Hindi lang po yung natanim na ‘actual seed nuts at seedlings,’ kundi yung may natanim ding kaalamanna nabigay sa amin ng ‘inspiration to move forward,” pabatid ni G. Sicam.
Ang Coconut Hybridization Program ay inaasahang mapaunlad at maipamahagi ang mga teknolohiyang ukol sa mga hybrid na niyog sa buong bansa.