Upang palakasin ang industriya ng utaw o ‘soybean’ sa Pilipinas, isinusulong ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang “Soybean Research and Development (R&D) Program.”
Ang programa ay binubuo ng apat na proyekto: “Analysis of Supply Chain and Competitiveness, Productivity and Technical Efficiency of Soybean as Food” (Project 1); “Soybean for Higher Income and Enhanced Soil Health under Different Cropping Systems” (Project 2); “Enhancing the Sustainability of Informal Soybean Seed Sector” (Project 3); and “Soybean Variety Development for Large Seed Size, Higher Yields and Enhanced Functional Properties” (Project 4).
Sa unang taon, ang programa ay nagsagawa ng ‘semi-annual review’ at ilang pagbisita sa mga taniman sa Rehiyon 10, 11, at 13. Ang mga ito ay isinagawa ng ‘monitoring and evaluation (M&E)’ team ng Crops Research Division (CRD) ng PCAARRD.
Bilang bahagi ng mga aktibidad ng Project 1 at 3, nakipanayam ang ‘research team’ sa mga magsasaka ng Rehiyon 10, 11, at 13 upang malaman ang kanilang mga nakasanayang paraan ng pag-iimbak ng utaw. Ang dalawang proyekto ay naglalayon na mapaunlad ang kasalukuyang mekanismo ng pagpapahusay ng buto ng utaw at ang kabuuang ‘supply chain’ nito sa Pilipinas.
Sa ilalim naman ng Project 2, bumisita ang grupo sa mga ‘project sites’ sa Mindanao upang suriin ang estado ng mga ‘field trials.’ Naglalayon ang Project 2 na matukoy kung aling ‘high-value crop’ tulad ng palay, mais, at kamoteng kahoy ang mainam na itanim kahalinhinan ng utaw na magdudulot ng mas maraming ani at kita.
Parte ng pag-aaral ang ‘sequential cropping’ ng utaw sa mais at palay, at ‘intercropping’ naman sa kamoteng kahoy. Sisiyatin naman ang magiging epekto ng mga ito sa kalusugan ng lupa sa pamamagitan ng ‘field evaluation trials’ at pagsusuri ng lupa sa laboratoryo.
Sa Project 4, iniulat ng ‘research team’ na makukumpleto na ang pagkolekta ng ‘germplasm’ at ‘observational trials’ sa pagtaas ng ‘seed accessions’ sa University of the Philippines – Institute of Plant Breeding (UPLB-IPB). Naglalayon ito na makapaglinang ng uri ng utaw na mataas ang ani, malalaki ang buto, mainam gamitin sa pag-poproseso, at nabubuhay sa anumang klima sa mga rehiyon kung saan binabalak itanim ang mga ito.
Bukod sa mga ‘field visits,’ ang grupo ng M&E ay natuto sa pagpoproseso ng utaw sa isang maliit na pagawaan ng tokwa sa Davao at sa isang “Farmer’s Field Day” na ang tema ay ang pagtuturo ng pagproseso ng utaw sa Agusan del Sur.
Bahagi rin ng nasabing ‘field day’ ang pagtampok sa isang itim na uri ng utaw na kilala sa tawag na “Tudela” black soybean. Ang utaw na ito ay matatagpuan sa karamihan ng lugar sa Agusan del Sur.
Pinangasiwaan ng Department of Agriculture – Regional Field Office (DA-RFO) 13 ang isang ‘technology demonstration’ sa pagpaparami ng gamit ng utaw. Ipinakita kung paano gumawa ng gatas mula sa utaw o ‘soy milk,’ taho, tokwa, at ‘hotcakes.’ Nais ng aktibidad na ito na hikayatin ang mga magsasaka na matutong magproseso ng utaw para na rin sa kanilang sariling kalusugan at karagdagang kita.