Inilunsad ng 11 People’s Organizations (POs) ang kanilang mga produktong gawa sa kamote sa nagdaang Sweetpotato–Industry Strategic Program (SP-ISP) Business Launch and Product Exhibit sa Robinsons Place, Tacloban City, sa Leyte kamakailan.
Ang mga organisasyon ay kinabibilangan ng mga ‘farmer-cooperators’ mula sa Leyte at Samar na biktima ng bagyong Yolanda. Nakatulong ang gawain upang bigyan sila ng pagkakataon na makahanap ng potensyal na merkado para sa kanilang mga produkto.
Ang programa ay nakatulong din para baguhin ang paniniwala na ang kamote ay pananim at pagkaing pang mahirap lamang.
Ang ‘business launch’ at ‘product exhibit’ ay itinuturing na isang namumukod na gawain ng programang “S&T-based Sweetpotato Value Chain Development for Food in Tarlac, Albay, Leyte and Samar.”
Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang nasabing programa.
Sinanay ang mga miyembro ng mga POs sa pamamagitan ng isang Farmer Business School (FBS) na ginanap sa loob ng walong buwan. Ito ay nabuo sa pagtutulungan ng Department of Agriculture–Local Government Unit (DA-LGU), DOST Region 8 offices, Agricultural Training Institute (DA-ATI Region 8), Department of Trade and Industry (DTI-Region 8), Food and Drug Administration (FDA-Region 8), at mga pribadong kompanya na nagpoproseso at gumagawa ng mga pagkaing mula sa produktong agrikultural.
Nagsilbing tagapagsanay ang mga kinatawan ng mga nabanggit na ahensya ng pamahalaan ganun din ang ilang mga may-ari ng mga kumpanyang gumagawa ng pagkain sa rehiyon.
Pinangunahan ni Dr. Julieta R. Roa ng Philippine Root Crops Research and Training Center, Visayas State University (PhilRootcrops, VSU), ang gawain. Ang pagtitipon ay nagbigay daan para sa pagbabahagi, talakayan, at pag-unawa ng iba’t-ibang modelo at istratehiya sa pagnenegosyo.
Pinasalamatan ni Acting Executive Director Dr. Reynaldo V. Ebora, sa pamamagitan ni Dr. Jocelyn E. Eusebio, Direktor ng Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD, ang dedikasyon ng mga miyembro ng POs ganun din sina Dr. Roa at ang kanyang ‘team’ sa pagdebelop ng mga produktong gawa sa kamote.
Sinabi rin ni Dr. Eusebio na sa pamamagitan ng programa, ang kamote ay isa nang mahalagang pananim na maaring gamitin sa iba’t-ibang produkto gaya ng ‘pastries,’ ‘pasta noodles,’ ‘chips,’ at alak na makatutulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka.
Pinangunahan naman ni Dr. Jose L. Bacusmo, Direktor sa Research ng VSU, ang ‘public taste testing’ ng mga tampok na produkto.
Kasalukuyang inihahanda ng mga POs ang mga pangangailangan para sa rehistrasyon ng kanilang mga negosyo sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno at ‘business development services.’