Philippine Standard Time

Mga dumi ng Queen pineapple, maaring gawing uling

Ang mga dumi ng Queen pineapple gaya ng pinagbalatan, dahon, at iba pang mga labi ay magagamit sa paggawa ng uling. 

Ang uling na gawa mula dito ay siksik, madaling gamitin, at gawa sa mga likas na materyal. Ito ay ayon sa mga unang resulta ng proyekto na may pamagat na  “Development of various products from queen pineapple wastes.”

Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang proyekto. 

Ang proyekto na matatapos sa mga unang bahagi ng susunod na taon ay isinasakatuparan ng Camarines Norte State College (CNSC).

Iniulat ni Michelle S. Carbonell ng CNSC , tagapanguna ng proyekto, ang potensyal ng teknolohiya bilang isang uri ng alternatibong panggatong na ‘environment-friendly.’ Ayon pa sa kanya, makatutulong ito upang bawasan ang paggamit ng uling mula sa kahoy sa mga kagubatan.  

Isinailalim sa mga unang pagsubok ang teknolohiya sa aspeto ng kahusayan ng paglilyab, itinatagal ng baga, taglay na halumigmig, pagiging siksik, bigat ng abo, at anyo nito. Mabuti ang mga naging resulta ng pagsubok kumpara sa komersyal na uling.

Nagsagawa rin ng mga pagsubok si Carbonel at kanyang mga kasama sa proyekto kaugnay ng ‘plant food crops’  na maaring gamitin bilang ‘binding materials.’

Ang charcoal briquette mula sa uling ay ginawa ayon sa mga sumusunod na proseso:

1. Ang mga materyales mula sa queen pineapple gaya ng dahon, balat, at iba pang dumi ay kinolekta, ginayat, at pinatuyo sa araw.
2. Matapos matuyo, ang mga ito ay ginawang uling gamit ang ‘drum-type carbonizer.’;
3. Tuloy-tuloy na nilagyan ng tubig ang carbonizer sa pamamagitan ng ‘condenser’ upang bawasan ang usok.
4. Ang hilaw na materyal para sa binder ay pinroseso, pinatuyo, at inihalo sa ‘carbonized wastes’ at pagkatapos ay hinulma gamit ang ‘briquetting machine.’


Ang produkto ay sumasailalim sa sunod na yugto ng pagsusuri.