Philippine Standard Time
Featured

Mga binhi ng patatas na walang sakit, handog ng Potato R&D Center para sa mga magsasaka

Mas maraming magsasaka mula sa Benguet at Mountain Province ang nakatatanggap ng mga benepisyo mula sa Potato Research and Development (R&D) Center dahil sa patuloy na pagtaas ng produksyon ng mga binhi ng patatas na walang sakit o ‘certified disease-free seed potatoes.’ 

Ang Potato R&D Center ng Benguet State University (BSU) ay isa sa mga  inisyatibong pang-agham at teknolohiya na pinopondohan ng Department of Science and Technology (DOST) sa ilalim ng Niche Centers in the Regions for R&D (NICER) Program at sinusubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) ng DOST. 

 Ang kakulangan ng suplay ng mga binhi ng patatas na malinis o walang sakit ang siyang dahilan sa mababang ani at kalidad ng patatas na syang tinutugunan ng Potato Center.

Tinatayang dodoble ang ani gamit ang mga nasabing binhi at aangat ang kita ng mga magsasaka na aabot mula 66% hanggang 180% kumpara sa paggamit ng mga lumang binhi na kadalasan ay may impeksyon ng sakit.

Ayon kay Bb. Cynthia G. Kiswa, lider ng programa sa patatas at direktor ng Northern Philippine Root Crop Research and Training Center ng BSU (BSU-NPRCRTC), nakapagbigay ng pinakamataas na bilang ng ‘microtubers’ ang isa sa anim na ‘modified microtuberization media’ na kanilang sinuri. Ito ay maaaring makatulong sa pagpapataas ng produksyon ng mga punla ng patatas na ‘true-to-type’ at walang sakit.  

Sa pamamagitan ng programa, napaunlad ang ‘aeroponics’ at ‘drip irrigation system’ sa dalawang ‘greenhouse unit’ ng BSU-NPRCRTC. Ito ay makatutulong sa pagpaparami ng mga nasabing binhi. Sa kabuuan,  nakapag-ani ng 24,600 binhi sa dalawang pasilidad, na ibinahagi at ipinatanim sa higit 600 magsasaka ng patatas sa Benguet at Mountain Province. 

Upang matiyak na de kalidad ang patatas sa mga taniman, ang Center ay bumuo ng ‘integrated crop management recommendation’ kung saan pinagsama ang paggamit ng mga ‘tolerant potato variety,’ ‘soil amendment,’ ‘cultural management,’ at ‘chemical control.’

Sinuri at iminapa rin ng Center ang pitong ‘collection sites’ sa Benguet at Mountain Province kung saan tinatayang 11.2 ektaryang lupang taniman ng patatas ang walang sakit ng patatas tulad ng ‘Bacterial Wilt’ at ‘Potato Cyst Nematode.’ Ang mga nasabing lugar ay may potensyal na maging taniman ng mga malinis na binhi ng patatas. 

Kasama rin sa mga susunod na plano ng programa ang pagtulong sa mga magsasaka mula sa mga natukoy na lugar upang mapagkunan ng mga malinis na binhi ng patatas.