Ilang mga bagong kaalaman sa pangangasiwa ng cocolisap o coconut scale insect (CSI) ang ibinahagi sa isang ‘forum’ kamakailan. Ang forum, na may temang “Coco-coping with pest invasions,” ay ginanap sa SMX Convention Center, Pasay City kaugnay ng 32nd National Coconut Week. Ito ay ginanap upang makapagbahagi ang mga eksperto ng bagong impormasyon sa CSI pati na rin ang mga karanasan nila sa pangangasiwa ng nasabing peste.
Isa sa mga nagsilbing tagapagsalita ay si Dr. Jocelyn E. Eusebio, Direktor ng Crops Research Division (CRD) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Tinalakay ni Eusebio ang mga teknolohiyang nakatulong sa pangangasiwa ng CSI sa bansa. Binigyan tuon din nya ang mga ginawang pananaliksik sa pagtugon sa CSI, partikular ang mga nagawa sa ilalim ng PCAARRD Industry Strategic S&T Program (ISP) for Coconut.
Ang ISP for Coconut ay naglalayon na mapataas ang ani ng niyog sa 150 bunga/puno kada taon, bawasan ang pagkalat ng CSI, mapabuti ang kalidad ng mga pananim, at pataasin ang kita ng mga komunidad na nagtatanim ng niyog. Ayon kay Eusebio, maaaring mas maging produktibo ang industriya ng niyog sa pamamagitan ng mga teknolohiyang ‘somatic embryogenesis,’ mas mabuting kasanayan sa pagtatanim ng niyog, ‘gene marker development,’ at mga mahusay na pamamaraan sa pagpigil sa mga peste ng niyog.
Ang mga resulta ng pananaliksik ng iba’t ibang ahensya na sinuportahan ng PCAARRD ay ang ‘morphology-based identification keys’ ng ‘armored scale insects’ at ang kanilang natural na kaaway; mga ‘geographical information system (GIS) maps’ sa pagkalat ng CSI; ‘CSI counting software’ para sa madaling pagbilang ng populasyon ng CSI; ‘database’ ng pesteng CSI bilang gabay sa paggawa ng mga polisiya; maramihang pagpapakalat ng ‘biological control agents,’ at ang pagsagawa ng mga ‘outdoor’ at ‘indoor’ na pasilidad para sa cocolisap (Aspidiotus rigidus) at ang natural na kaaway nito (Comperiella calauanica). Tinalakay rin ni Eusebio ang isang proyekto na isinasagawa sa Zamboanga na tumutugon sa pagkalat ng CSI at isa pang proyekto na tumuon sa ‘genomic-assisted approach’ para sa ‘insect resistance breeding.’
Aktibong sinusuportahan ng PCAARRD ang mga pananaliksik sa CSI simula noong inaprubahan ang Executive Order 169 o ang “Declaration of Emergecy in CSI-affected areas” noong Hunyo 2014. Sumusuporta rin ang PCAARRD sa pagbuo ng mahusay na pamamaraan upang pangasiwaan ang peste sa pamamagitan ng mga pananaliksik na isinasagawa ng mga ahensya tulad ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), Philippine Coconut Authority (PCA), De La Salle University (DLSU), at Department of Agriculture – Regional Crop Protection Center (DA-RCPC). Umabot na ng P128.3 milyon ang ibinigay na pondo ng PCAARRD para sa mga pananaliksik sa CSI.