Ang Pilipinas ay nangunguna sa buong mundo sa pagluluwas ng abaka at taunang kumikita ng 80 milyong dolyar. Walumpu’t limang porsyento ng kabuuang produksyon ng abaka sa buong mundo ay galing sa Pilipinas. Sa kabila ng mataas na produksyon, naapektuhan ang industriya ng mga bayrus at sakit katulad ng ‘Abaca Bunchy Top Virus’ o ABTV, ‘mosaic,’ at ‘bract mosaic.’ Sa katunayan, nasira ng ABTV ang 19,000 na ektarya ng abaka noong 2011.
Upang matugunan ang hamon na ito, isinusulong ng isang proyekto ang pagpapabuti ng hene ng abaka upang tumaas ang ani at himaymay nito. Ang proyektong ito ay may titulong, ‘Abaca Functional Genomics: High Throughput Discovery of Genes and Molecular Markers’ na isinakatuparan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). Ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Sinusuri sa pag-aaral ang ‘genetic,’ ‘molecular,’ at ‘biochemical’ na kayarian ng abaka na responsable sa mga mahalagang katangian katulad ng mataas na kalidad ng himaymay at tibay laban sa ABTV. Ang pamamaraan ay naglalayon na makapaglinang ng ‘molecular markers’ na makakapagpabuti ng hene para makamtan ang mga mahahalagang katangian ng abaka.
Kasalukuyang sinusuri ng mga mananaliksik ang tatlong hene ng abaka na nagpapakita ng tibay laban sa ABTV. Ang tatlong ito ay ang ‘eukaryotic initiation factor 4G (eIF4G),’ ‘proliferative cell nuclear antigen (PCNA),’ at ‘retinoblastoma-related gene (RBR).’