Ang Pilipinas ang pang-labing dalawa sa pinakamalaking prodyuser ng tahong o ‘mussel’ sa mundo. Ito rin ang pangalawa sa pinakamalaking prodyuser ng berdeng tahong, ang Perna viridis na nagbigay ng kitang P223 milyong piso sa bansa noong 2014. Kahit na ang eksport ng tahong ay patuloy na lumalaki, ang bansa ay patuloy pa ring umaangkat ng tahong. Noong 2013, umangkat ang bansa ng 170 milyong tonelada ng tahong mula sa New Zealand at Chile para sa mga ‘restaurant’ at mga kainan na nangangailangan ng mas malalaki at may kalidad na tahong.
Ang pag-aalaga ng tahong ay isinasagawa sa mga baybayin ng Cavite, Capiz, Samar, Bataan, at Pangasinan. May 4,925 ektarya sa Samar, Quezon, Aklan, Capiz, at iba pang lalawigan sa bansa ang may potensyal na magamit para sa pagpapalawak ng alagaan ng tahong. Ngunit bago ito magawa, kinakailangang matugunan ang ilang suliranin gaya ng hindi sapat na panustos ng binhi at mababang produksyon nito, ganon din ang hindi maayos na kalidad ng sanitasyon sa mga lugar-alagaan.
Ang mga nasabing balakid sa produksyon ay tinutugunan ng ‘Industry Strategic S&T Program’ o ISP para sa Tahong ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Sinisikap ng programa na mapataas ang panustos ng binhi ng tahong na may mataas na kalidad, gaya ng pagkakaroon ng mas malaking laman, ligtas, at maaring ipagmalaki sa pang-daigdigang pamilihan.
Kaugnay nito, nakabuo ang programa ng isang ‘prototype hatchery’ o semilyahan na maaring makapagpataas ng kalidad na mga binhi ng tahong kabilang ang mga kinakailangang protokol. Nakamit ng semilyahan ang 3.3% ‘survival rate’ o dami ng nabubuhay na tahong. Nilampasan nito ang mga semilyahan sa Malaysia at Polynesia na may 2% survival rate. Target ng programa na makamit ang 5% survival rate.
Nabuo rin sa programa ang pamamaraan ng paggamit ng ‘longline’ sa pag-aalaga ng tahong. Tinawag itong “Pinoy longline,” isang binago at hinangong ‘longline culture system’ na ginagamit sa ibang bansa.
Ang Pinoy longline ay maaring ipanghalili sa tradisyunal na ‘stake method’ o ang paggamit ng kawayan bilang tarak. Ang sistema ng pagtatarak ay nagdudulot ng polusyon mula sa nabubulok na kawayan sa mga baybayin.
Gumagamit ang Pinoy longline ng mga serye ng linya na nakabitin kung saan pinakakapit ang mga tahong. Ang mga linyang ito ay nakaposisyon gamit ang mga pangpalutang at mga angkla. Sa paggamit ng Pinoy longline, makakapag prodyus ang sistema ng mga tahong na may mataas na kalidad.
Napatunayan na ang Pinoy longline ay matatag at tumatagal kahit sa masungit na panahon ayon sa ipinakita nito matapos ang limang bagyo sa Samar.
Nakabuo rin ang programa ng isang modelo ng pasilidad para sa pagpapasuka ng tahong upang malinis ito at masiguro na ang ani ay ligtas. Ito ay may kapasidad na 30 hanggang 50 kilo bawat tangke. Pinadadaluyan ng ‘treated’ na tubig mula sa dagat ang mga tahong upang mailabas nila ang mga organismo na maaaring maging banta sa kalusugan ng mga mamimili.
Kabilang ang Pinoy longline, ‘prototype hatchery’ o semilyahan, at ‘depuration facility,’ sa mga teknolohiya na ipamamalas ng DOST-PCAARRD sa darating na National Science and Technology Week (NSTW). Ito ay gaganapin sa July 25-29 sa PCAARRD Complex at may temang Juan Science, One Nation.
Gugunitain din ng DOST-PCAARRD ang ika-lima nitong anibersaryo sa Hulyo 28,2016. Tatampukan ito ng pagsasagawa ng National Symposium on Agriculture and Aquatic Resources Research and Development (NSAARRD) sa Hulyo 27, 2016 ng umaga at paggagawad ng mga karangalan sa hapon ng nasabing petsa.
Kikilalanin mula sa NSAARRD ang mga natatanging ambag ng mga indibiduwal at institusyon sa pagpapabuti ng estado ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pagpapaunlad (research and development).