Upang matugunan ang mataas na pangangailangan ng ‘mangrove crab’ o alimango sa lokal at pangdaigdig na merkado, pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang Mangrove Crab S&T Program noong 2012. Ito ay isinakatuparan ng Southeast Asian Fisheries Development Center/Aquaculture Department (SEAFDEC/AQD) sa Tigbauan, Iloilo.
Ang nasabing ahensya ay nakapagpabuti ng pagpapalahi at pamamaraan ng pag-aalaga ng ‘marine annelid’ (Marphysa mossambica), na maaaring gamitin upang tustusan ang kinakailangang pagkain ng inahin ng ‘mangrove crab.’
Ang ‘zoeae’ o larba ng mangrove crab na pinakain ng 20% ‘marine annelid’ na ligtas sa ano mang patoheno at inihalo sa pakain ng broodstock ay nagtala ng mas mataas na ‘lipids’ at ‘highly unsaturated fatty acid’ (HUFA) at nakatutulong sa paglaki ng larba ng mangrove crab. Nakababawas din ito sa pagkonsumo ng likas na pakain sa mga pamisaan.
Base sa unang ginawang pagsubok, nagtala ito ng 70% ‘survival rate’ ng mga larba at 70–90% naman sa pangalawang pagsubok na isinagawa sa narseri.
Sa ilalim ng pag-aaral, isang itim na lambat na inayos na parang halamang-dagat ang siyang pinakamainam na silungan ng ‘crablets’ sa narseri. Sa pamamagitan nito, 60% hanggang 70% ng mga ‘crablets’ ang nabubuhay kahit umabot pa sa 50 crablets bawat metro kwadrado
ang kapasidad ng alagaan.