Philippine Standard Time

Mapagkukunan ng kalidad na ‘citrus seedlings,’ naitatag sa Nueva Vizcaya

May malapit nang mapagkukunan ng kalidad na seedlings ang mga nagtatanim ng citrus sa Cagayan Valley partikular sa Nueva Vizcaya. Ito ay dulot ng isang proyekto na may titulong “Establishment of quality planting materials production system for citrus in Nueva Vizcaya.”

Nakapagprodyus ang Nueva Vizcaya state University (NVSU) ng 13,057 ‘citrus seedlings’ na maaring magamit ng mga nagtatanim nito.

Ang produksyon ng ‘citrus seedlings’ ay isa sa mga ‘output’ ng proyekto na may titulong “Establishment of quality planting materials production system for citrus in Nueva Vizcaya.”

Ipinatutupad ng NVSU ang proyekto na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).

Sa kabuoang 13,057 pananim na naprodyus, 5,046 nito ay ‘budded’ o pinasanga at 8,011 naman ay ‘rootstock seedlings’ o pinaugat. Ang mga pinaugat na pananim ay kinabibilangan ng suha o ‘native’ na ‘pummelo,’ ‘calamandarin,’ ‘beneke,’ at calamansi.

Tinutugunan ng proyekto ang kakulangan ng pananim na citrus sa lokal na pamilihan. Iniuugnay ang kakulangang ito sa mga peste at sakit gaya ng ‘Huanglongbing’ (HLB) at ‘Citrus Tristeza Virus’ (CTV), di maayos na pangangasiwa ng mga taniman, mababang ‘farm inputs,’ at mababang pagtangkilik ng mga pinahusay na pamamaraan ng pangangasiwa ng mga nagtatanim ng citrus.

May tatlong bahagi ang proyekto: 1) pagpapahusay sa produksyon ng kalidad na pananim, 2) ‘indexing’ at 3) ‘geotagging’ ng mga sakit, at pagtatatag ng mga ‘techno-demo orchards.’

Ang mga pinakamahusay na mga pamamaraan sa produksyon ng citrus ay ipinakita sa ‘techno-demo orchards’ sa Cabuluan, Villaverde, Nueva Vizcaya at sa Malabing, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Sa Cabuluan, Villaverde orchard, natuto ang mga interesadong magsasaka ng pagpupungos at tamang pangangasiwa ng kalusugan para sa lima hanggang anim na taong mga puno ng satsuma. Ang tanimang ito ay gumagamit ng tamang pangangasiwa gaya ng pag-aalis ng damo, aplikasyon ng pataba, irigasyon, at minimal na paggamit ng kemikal na pestisidyo o ‘insecticides.’

Ang ponkan at satsuma ‘tree orchard’ sa Malabing, Kasibu ay napahusay sa pamamagitan ng proyekto. Ginamitan ito ng mga pinrosesong dumi ng hayop, irigasyon gamit ang ‘microsprinkler,’ at aplikasyon ng pataba at pagbobomba ng pestisidyo. Bago ginamit ang mga nasabing teknolohiya, ang ‘orchard’ ay umaani lamang ng 300 ‘crates’ o katumbas ng 18 toneladang prutas. Matapos naman ang paggamit ng mga siyentipikong patnubay, tumaas ang ani ng 45.67 porsiyento. Katumbas ito ng 437 crates o 26.22 toneladang prutas.

Limampu’t-pitong taniman ng citrus din ang ginamitan ng ‘geotagging’ sa pamamagitan ng aplikasyon ng geographic information system (GIS). Kabilang dito ang ‘nursery’ sa Malabing Valley Multipurpose Cooperative at mga mother trees na pinagmulan ng budwood sa apat na taniman.

Nagkaroon din ng geotagging ng mga ‘mother trees’ na may HLB at CTV. Isinailalim din ang mga puno sa ‘indexing’ para sa mga nasabing sakit gamit ang ‘polymerase chain reaction.’


Iminungkahi ng mga eksperto ang pagkontrol sa mga nasabing sakit sa mga tanimang positibo sa mga nasabing sakit.