LUCBAN, Quezon – Sa pamamagitan ng isang proyekto, malapit nang mgkaroon ng mga pananim na may kalidad para sa pagpapalahi ng Makaasim (Syzygium nitidum Benth) at Batikuling (Litsea leytensis Merr.), mga uri ng puno na nanganganib nang mawala.
Layon ng proyekto na patnubayan ng siyensya at teknolohiya ang produksyon ng mga kalidad na pananim ng Makaasim at Batikuling na katutubo sa Mt. Banahaw de Lucban.
Ang proyekto ay isinasagawa ng Southern Luzon State University (SLSU) at pinondohan at sinusubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Inaasahan na sa pamamagitan ng proyekto ay makabubuo ng pamamaraan na naaayon sa agham tungo sa produksyon ng pananim na may kalidad para sa pagpapalahi. Inaasahan ding makabubuo ng protokol para sa pagpapaugat ng klona ng Batikuling at Makaasim.
Kaugnay ng ginagawang pagsubaybay sa proyekto, isang grupo mula sa PCAARRD ang bumisita sa SLSU. Pinangunahan ni Dr. Leila America, Direktor ng Forestry and Environment Research Division (FERD) ang pagbisita.
Iniulat ni Forester Kathreena Gutierrez, tagapanguna ng proyekto, na ang pangangasiwa sa ‘hedge garden’ ay 50% nang kumpleto. Samantala, ang pagpapahusay sa ‘clonal nursery’ at ‘rooting facilities’ ay 60% nang kumpleto. Iniulat din niya na ang iba’t-ibang konsentrasyon sa ‘rooting hormone’ at ‘mycorrhiza formulation’ sa pagpapaugat sa Batikuling at ‘stem cutting’ sa Makaasim ay 73% nang naisagawa.