Itinuturing ang ‘sardines’ (Sardinella lemuru) o sardinas na kabilang sa mga pinakamahalagang ‘pelagic fish’ na hinuhuli sa bansa. Ito ay kilala rin sa pangalang tamban-tuloy, tuloy, at tunsoy. Ang pelagic fish ay tumutukoy sa mga isdang hindi naninirahan malapit sa pusod ng dagat at hindi rin malapit sa baybayin. Itinuturing ang sardinas bilang pinakamurang pinagkukunan ng protina para sa maraming Pilipino. Nag-aambag ang industriya ng sardinas ng 46% sa kabuoang taunang produksyon ng ‘marine fisheries’ at 40% sa ‘export’ na umabot ng P10 bilyon noong 2013.
Ang pagbaba ng produksyon ng sardinas noong 2010 ay nagbunsod sa pagpapatupad ng Administrative Order (AO) No. 1 na magkasamang inilabas ng Department of Agriculture (DA) at ng Department of Interior and Local Government (DILG). Itinatakda ng nasabing AO ang pangangalaga sa sardinas sa pamamagitan ng pagdedeklara ng ‘closed season.’ Nakasaad dito ang pagbabawal sa panghuhuli ng sardinas sa East Sulu Sea, Basilan Strait, at Sibuguey Bay. Ang ‘no fishing zone’ ay sumasaklaw sa sukat na 13,987 metro kuwadrado at unang ipinatupad mula December 1 hangang March 1 kada taon simulang noong 2011 hanggang 2014. Ito ay naglalayong tugunan ang labis na panghuhuli ng sardinas sa iba’t-ibang pamamaraan sa maraming lugar sa Zamboanga Peninsula.
Ang Industry Strategic S&T Program (ISP) sa sardinas ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa taong 2010-2014 ay nagbigay ng mga mahahalagang ‘input’ para sa mga polisiya kaugnay ng pangangalaga at pangangasiwa ng sardinas. Ito ay upang mapabuti ang produksyon nito bilang suporta sa kasiguruhan ng pagkain sa bansa at upang tugunan ang pangangailangan ng industriya ng sardinas.
Gumagamit ang programa ng mga imahe at modelo mula sa ‘satellite,’ ‘molecular genetics,’ mga datos tungkol sa dami ng nahuhuli, biyolohiya, at mga resulta ng pag-aaral sa larba (anak ng sardinas) upang matukoy ang daynamiks ng sardinas.
Ginamit ang mga impormasyong ito sa pagpapatibay sa resulta ng closed season sa sardinas sa Zamboanga. Nakita rito na ang sardinas ay tuloy-tuloy na nangingitlog sa buong taon. Ito ay may dalawang panahon kung saan sukdulan ang kanilang pangingitlog. Ito ay mas mataas sa pagitan ng Oktubre at Disyembre at bahagyang mataas sa Mayo hanggang Hunyo. Ang mga datos na ito ang naging batayan ng closed season.
Mabilis lumaki ang sardinas. Gumugulang ito sa loob ng anim na buwan at nangingitlog ng nasa 500,000 hanggang 700,000 sa bawat pangingitlog.
Nakita rin sa pag-aaral ang pagkalat sa direksyong pahilaga at patimog ng larba ng sardinas sa Zamboanga Peninsula. Nagpamalas rin sila ng mabilis na paglaki sa buwan ng Enero. Dahil dito, mas masisiguro ang mataas na ‘survival rate’ ng larba sa panahon ng closed season.
Nagpamalas ng positibong resulta ang closed season sa pagsasara nito noong March 2014. Naitala ang 30% pagtaas sa produksyon ng sardinas noong 2012. Nagkaroon din ng pagtaas sa bilang ng mga nangingitlog, pagkawala ng mga maliliit na sardinas, at pagkakaroon ng mga malalaking sardinas ayon sa nakikita sa mga huli. Tumaas din ang populasyon ng sardinas sa rehiyon IV, X, at XI.
Pinalawig ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagpapatupad ng closed season para sa sardinas sa pamamagitan ng BFAR Administrative Circular 255 s. of 2014. Kasama dito ang patuloy na pagsasaliksik at taunang pagrerepaso sa ‘closed season’ upang matukoy ang mga pinakamahusay na istratehiya ng pangangasiwa.