Philippine Standard Time

Mabubuting kasanayan sa agrikultura, nakatulong upang mabawasan ang mga peste at sakit ng Lakatan at Cardaba

Ayon sa pag-aaral na pinangunahan ng University of Southern Mindanao (USM), nabawasan ang paglaganap ng mga peste at sakit ng saging na Lakatan at Cardaba sa pamamagitan ng pagsunod sa mga mabubuting pamamaraan sa pagtatanim at pag-aalaga ng saging (Good Agricultural Practices [GAP]) na ipinalaganap sa North Cotabato, Sultan Kudarat, at Maguindanao. 

Kabilang sa mga nasabing peste at sakit ang ‘banana bunchy top virus (BBTV),’ ‘Fusarium wilt,’ ‘sigatoka leaf spot,’ ‘banana freckles,’ at ‘Moko.’ Mapaminsala ang mga nasabing peste at sakit sa paglaki ng saging at sa magiging ani nito.  

Inirekomenda ng proyekto ang tamang paggamit ng pataba sa pamamagitan ng soil analysis; pagbabawas ng suwi, dahon, at suloy; pagbabalot ng bunga; muling pagtatanim sa mga kulang na tudling, at iba pang mga gawain.

Sa pamamagitan ng GAP, nabawasan ng 95% ang insidente ng sigatoka leaf spot sa Maguindanao, 80.33% sa Cotabato, at 64.77% sa Sultan Kudarat.

Nabawasan din ng GAP ang insidente ng BBT sa Lakatan ng 98.75% sa Cotabato, 90.00% sa Maguindanao, at 73.93% sa Sultan Kudarat. 

Umabot naman ng 98.38% ang nabawas sa insidente ng BBT sa Cardaba sa Cotabato, 93.33% sa Maguindanao, at 57.33% sa Sultan Kudarat.

Samantala, nabawasan ng GAP ang insidente ng Moko mula sa 41.48% na naging 25.93% na lamang sa Labawan’s Farm, President Roxas, North Cotabato.

Nabawasan din ng 83.90% ang insidente ng banana freckles sa Cardaba sa North Cotabato, Sultan Kudarat, at Maguindanao kumpara sa 50.20% na kabawasan lamang sa paggamit ng mga dating kasanayan ng mga magsasaka. Naitala ang kabawasan na 73.30% sa Maguindanao at 49.62% sa Sultan Kudarat.

Dahil sa pagbaba ng biglang ng mga pananim na saging na may sakit, tumaas ang produksyon ng saging sa mga lugar na ginamitan ng GAP. Ang pinakamalaking pagtaas sa ani pagkatapos gawin ang GAP ay naitala sa Maguindanao na umabot sa 116.21% para sa Lakatan at 135.54% naman sa Cardaba sa Cotabato.
 
Nagwagi ang proyekto na may titulong “GAP increased the yield of Lakatan and Saba/Cardaba in Region XII” sa unang pwesto sa Development Category sa National Symposium on Agriculture and Aquatic Resources Research and Development (NSAARRD) na isinagawa kamakailan.

Ang proyekto ay bunga ng pagtutulungan ng USM, Sultan Kudarat State University (SKSU), at Cotabato City State Polytechnic College (CCSPC).