Suporta para sa industriya ng kape ang hatid ng isang pag-aaral mula sa University of the Philippines Diliman (UPD) na naglalayong maiwasan ng mga magsasaka ang problemang dulot ng ‘Coffee White Stem Borer’ (CWSB) at ‘Coffee Leaf Rust’ (CLR).
Ang CWSB at CLR ay ilan sa mga pinakamalaking banta sa industriya ng kape. Umaabot sa 50% pagkalugi sa produksyon ng kape ang naitala dahil sa pananalasa ng mga ito.
Bilang tugon, tinutukan ng mga mananaliksik mula sa UPD, sa pangunguna ni Dr. Ernelea P. Cao, ang paglikha ng isang inobasyong gumagamit ng ‘Loop-mediated Isothermal Amplification (LAMP) technology’ upang matukoy ang mga barayti ng kape na may resistensya laban sa CWSB at CLR. Ang inisyatibong ito ay pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Gamit ang LAMP technology, kayang tukuyin sa DNA ng mga kape ang impormasyong nakaugnay sa resistensya laban sa mga nasabing sakit at pesteng insekto.
Ang magiging resulta ng nasabing pag-aaral ay inaasahang makatutulong sa mga magsasaka ng kape upang maagapan ang malaking pinsalang maaring maging dulot ng CWSB at CLR. Ito rin ay malaking suporta sa rehabilitasyon ng mga nasalantang taniman ng mga kape.
Nakikipagtulungan ang mga mananaliksik ng UPD sa Cavite State University (CvSU) upang suriin ang resulta ng proyekto gamit ang ‘coffee gene bank’ at iba pang pasilidad ng CvSU.
Ayon kay Dr. Cao, nakikipag-ugnayan rin sila sa mga eksperto mula sa Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (DA-BPI) upang makagawa ng mga ‘quarantine protocol’ o panuto sa pagbabahagi ng mga pananim na kape. Aniya, mahalaga ang pagtatatag ng mga ganitong panuto upang maiwasan ang pananalasa ng mga sakit at pesteng insekto sa industriya. Karagdagang pagsusuri pa ang inaasahan upang mas maihanda ang mga ‘detection kits’ para sa industriya.
Nagsagawa rin ang grupo ng mga pagsasanay para sa mga ahensya ng gobyerno, akademikong institusyon, at pribadong ahensya ukol sa ‘molecular detection methods’ para sa pagsusuri ng mga barayti ng kape na may resistensya laban sa CWSB at CLR. Layon ng mga pagsasanay na turuan ang mga lumahok dito ng mga tamang paghahanda ng DNA ‘sample’ at pagsasagawa ng ‘LAMP assay detection.’