Ang tahong o ‘green mussel’ (Perna viridis) ay ang natatanging uri ng tahong na pinaparami para pangbenta sa Pilipinas. Kasalukuyang kinakaharap ng industriya ang hindi sapat na suplay ng ‘seed stock’ o binhi ng tahong. Inaasahan ng mga mangingisda ang mga binhi, ngunit nahihirapan na rin sila dahil umuunti na ang suplay nito.
Upang tugunan ang hamon na ito, pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST), sa pamamagitan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) ang ‘Mussel Hatchery Project’ na kasalukuyang isinasakatuparan ng University of the Philippines Visayas (UPV) sa Miagao, Iloilo. Ang proyektong ito ay naglalayon na makagawa ng teknolohiya upang masiguro na sapat ang suplay ng ‘mussel spats’ para sa produksyon ng tahong.
Kaakibat ng sapat na suplay ng ‘mussel spats’ ay ang epektibong pamamaraan ng pagbibiyahe ng ‘broodstock’ galing sa natural nitong kinalalagyan patungo sa pamisaan o ‘hatchery’ sa UPV. Ang pamamaraan ng pagbibiyahe na binuo sa proyekto ay nakapagtala ng 98% ‘survival rate’ pito hanggang 36 na oras matapos itong anihin.
Sinubukan din ang ‘warm water spawning technique’ at nagpakita ito ng magandang resulta. Ang paglipat galing sa ‘D-hinged’ patungo sa ‘early spat’ na may 1mm ay nagpakita ng 4% ‘survival rate.’ Ito ay mas mataas kumpara sa ibang bansa sa Asya kung saan nakapagtala lamang ng isa hanggang dalawang porsyentong ‘survival rate.’ Ang nagamit na ‘spawners’ ay ibinalik sa likas nitong tirahan.
Inaasahang makatutulong ang proyekto sa mga nag-aalaga ng tahong, mga negosyante, mga nagtitinda, ahente, nagpoproseso, mananaliksik, ‘technicians,’ ‘extension workers,’ mga tagagawa ng patakaran, at mga mamimili.
Ang Mussel Hatchery Project ay unang pinamunuan ni Dr. Liberato V. Laureta, Jr. Pinalitan siya ni Dr. Mary Jane A. Amar ng Institute of Aquaculture, College of Fisheries and Ocean Sciences, UPV pagkatapos ng retirement ni Dr. Laureta, Jr. noong Disyembre 2016.