Sa ginananap na ‘technology forum’ sa pagdiriwang ng 2022 National Science and Technology Week (NSTW), ibinahagi ng eksperto mula sa Philippine Rice Research Insitute (PhilRice) ang resulta ng kanilang pananaliksik sa mga bagong barayti ng palay na may mababang ‘Glycemic Index’ o low GI.
Ang produkto ng pag-aaral na ito ay inaasahang makapagbibigay ng mas masustansiyang alternatibo sa nakasanayang bigas. Ang bigas na may mababang GI ay mas malusog na opsyon na makatutulong upang maiwasan ang pagtaas ng asukal sa dugo o ‘blood sugar.’
Ang Glycemic Index (GI) ay isang sukatan upang matukoy kung gaano karami ang ‘carbohydrates’ ng isang pagkain at gaano ito nakakaapekto sa ‘blood sugar levels.
Gamit ang ‘gamma-irradiation’ at ‘chemical mutagenesis,’ nabuo ang ilang ‘mutant’ na populasyon ng palay mula sa kilalang barayti na Tubigan 14 (NSIC Rc160). Sa ngayon, may mga ‘mutant lines’ na maaaring may mababang GI ang naitala at patuloy na nililinang ng mga eksperto.
Katuwang din sa pag-aaral na ito ang pag-sasagawa ng ‘survey’ upang alamin ang pananaw ng mga konsyumer sa low-GI na bigas at ang potensyal nito sa merkado. Base sa resulta, malaki ang potensyal ng low-GI na bigas sa mga siyudad. Mai-uugnay ito sa uri ng kabuhayan ng mga tao rito at sa mataas na demand para sa mga masustansiyang pagkain.
Dagdag dito, napag-alaman na mababa pa ang kalinangan ng ilang ‘respondents’ tungkol sa konsepto ng low-GI na pagkain. Nagpapahiwatig ito na bagama’t may mataas na pagtangkilik sa mga produktong mabuti para sa kalusugan, maaaring maka-apekto ang kamalayan ng madla sa magiging lagay ng mga bigas na may low-GI sa merkado. Kaya naman inirerekomenda ng pag-aaral ang mas malawak at pina-igting na kampanya tungkol sa mga benepisyo ng low-GI na bigas.
Sa ngayon, patuloy ang pananaliksik at pag-aaral ng PhilRice sa paglinang ng mga low-GI na palay at bigas. Isa sa mga tinitiyak ng mga eksperto ay ang pagpapanatili ng kalidad ng lasa, amoy, at tekstura ng bigas.