Mahirap at magastos ang pag-aalaga ng tahong sa panahon ng tag-ulan. Sa mga lugar na lantad at hindi protektado, maaaring masira ng malakas na ulan, hangin, at malalaking alon ang mga binhi (stocks) at ‘culture materials’ sa lugar-alagaan.
Sa mga ganitong sitwasyon, malaki ang pakinabang sa teknolohiya ng ‘Pinoy longline.’ Ito ay hango sa ‘longline culture system’ na ginagamit sa ibang bansa upang makapag ‘produce’ ng mga tahong na may mataas na kalidad. Bahagya itong binago dito sa bansa at napatunayang mabisa upang mabawasan ang epekto ng ‘climate change’ kaugnay ng pag-aalaga ng tahong.
Naaangkop ang longline sa mga malalalim na tubigan at maaring magamit na panghalili sa nakaugaliang pagtatarak ng kawayan o ‘stake method’ na nagdudulot ng polusyon sa baybayin galing sa nabubulok na kawayan.
Ang longline ay makatatagal sa malakas na hangin. Maaari itong mahila at madala sa ligtas na lugar kung masungit ang panahon, hindi tulad ng pagtatarak ng kawayan. Dahil dito mababawasan o posibleng maiwasan ang pinsala sa mga tahong at sa istruktura.
Kung umuulan at nababawasan ang antas ng alat sa itaas na bahagi ng tubig, maaaring ibaba ang ‘longline’ sa bahaging angkop ang alat ng tubig.
Ang istruktura ng ‘culture system’ ay binubuo ng lubid na nagsisilbing pangunahing linya. Ito ay yari sa ‘polypropylene’ na may habang 20 metro at may kapal na 20 milimetro. Nakakabit dito ang mga itim na ‘plastic containers’ na may sukat na 40 x 35 x 19 sentimetro. Ang mga nasabing containers ay pinaglagyan ng mantika at toyo at muling ginamit na palutang ng istruktura.
Dalawang plastic containers na may sukat na 91 x 37 sentimetro at nababalutan ng lubid na polyethylene ang ginagamit sa magkabilang dulo ng linya. Upang mapanatili ito sa posisyon, nilalagyan ito ng angkla na may sukat na 153 x 127 x 102 sentimetro sa magkabilang dulo.
Sa proseso naman ng paglalagay ng mga binhi ng tahong, gumagamit ng ‘mussel socks’ o ‘mussocks’ na may habang dalawang metro, lubid na polyethylene na may kapal na 10 milimetro, at ‘cylindrical cement’ na may bigat na isang kilogramo para sa ilalim ng tubig. Ang mga binhi na may sukat na dalawa hanggang tatlong sentimetro ay inilalagay sa loob ng mussocks sa daming 200 piraso bawat metro at itinatali sa longline sa agwat na 50 sentimetro.
Kabilang ang longline sa mga teknolohiya na ipamamalas ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) sa darating na National Science and Technology Week (NSTW). Ito ay gaganapin sa July 25-29 sa PCAARRD Complex at may temang Juan Science, One Nation.
Itatampok dito ang mga ‘exhibit’ na naglalayong makapagbigay ng mga teknolohiya at kaalaman na makatutulong upang mapalakas ang sektor ng agrikultura ng bansa at makatugon sa pandaigdigang pamantayan.
Gugunitain din ng DOST-PCAARRD ang ika-lima nitong anibersaryo sa Hulyo 28,2016. Tatampukan ito ng pagsasagawa ng National Symposium on Agriculture and Aquatic Resources Research and Development (NSAARRD) sa umaga at paggagawad ng mga karangalan sa hapon ng nasabing petsa.
Kinikilala ng NSAARRD ang mga natatanging ambag ng mga indibiduwal at institusyon sa pagpapabuti ng estado ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pagpapaunlad (research and development).