“Magtanim ay di biro.” Ito ang katutubong awit na naglalarawan ng hirap ng pagtatanim ng palay. Ngunit ngayon, isang mekanikal na pangtanim ang magpapagaan sa trabaho ng magsasaka. Ito ay tinatawag na “local riding-type transplanter” na kung saan ang magsasaka ay maaring magtanim habang nakasakay sa makina.
Ang makina ay makapagtatanim ng dalawa hanggang anim na punla bawat tundos sa lalim na 2-6 sentimetro at distansyang 12-18 sentimetro sa pagitan ng bawat tundos. Ito ay may 30 sentimetrong espasyo sa pagitan ng bawat hanay. Ang pagtatanim ng mga punla na may gulang na 14-18 araw sa dalawang ektaryang taniman ay maaring matapos sa loob lamang ng isang araw.
Inimbento ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang makina ayon sa isang modelo mula sa Korea sa proyektong pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Kamakailan, isang proyekto ang magsasagawa ng pagsusubok o “pilot testing” sa kakayahan at tibay ng makina sa mga piling lugar sa Pilipinas. Ang proyekto na tatagal ng dalawang taon, ay popondohan ng DOST-PCAARRD at pangungunahan ni Dr. Arnold S. Juliano ng PhilRice.
Sa proyektong ito, tig-isang makina ang itatalaga sa Nueva Ecija, Iloilo, at Midsayap sa North Cotabato. Ang mga “manufacturers” sa nabanggit na lugar ay sasanayin sa paggawa ng makina at bibigyan ng akreditasyon. Gayundin, ang mga magsasaka sa mga napiling lugar ay bibigyan ng pagsasanay sa wastong paggamit at pangangalaga ng makina.
Ang makinang magagawa ng mga sinanay na “manufacturers” ang siyang gagamitin sa “pilot-testing.” Susubukin ang kakayahan at tibay ng makina kapag ginamit sa mga lugar na may iba’t-ibang kundisyong teknikal, ekonomiko, heograpiko, at kapaligiran. Ang resulta ng “pilot testing” ay gagamiting basehan upang lalo pang mapahusay ang kalidad ng makina. Gayundin, aalamin sa proyekto kung ang makinang pinahusay ay magiging katangap-tangap sa mga magsasaka at sa mercado.