Inilunsad kamakailan ng Los Baños Science Community Foundation, Inc. o LBSCFI ang Dr. A. R. Librero Research and Development Award. Ito ay naglalayong kilalanin ang mga nagsasaliksik sa larangan ng socio-economics, agrikultura, at likas na yaman sa loob ng National Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development Network o NAARRDN.
Pormal na inilunsad ang award sa pamamagitan ng pagpirma ng ‘memorandum of agreement’ sa opisina ng Department of Science and Technology (DOST) IV-A.
Si Agnes R. Chupungco, ang kapatid ni Dr. A. R. Librero, ang nagbigay sa LBSCFI ng pondo na nagkakahalaga ng P200,000. Ang pondo ay gagamitin ng LBSCFI upang suportahan ang award.
Isang plake at premyong nagkakahalagang P20,000 ang ibibigay sa mananaliksik na mananalo ng ‘best research paper’ sa larangan ng socio-economics, agrikultura, at likas na yaman. Ibibigay ang award sa bawat dalawa o tatlong taon sa R&D Awarding Ceremony ng LBSCFI SyenSaya na ginaganap tuwing National Science and Technology Week o NSTW. Kailangan din talakayin ng mga mananalong mananaliksik ang kanilang saliksik sa nasabing pagdiriwang.
Ipapatupad ng LBSCFI ang Dr. A. R. Librero R&D Award base sa mga panuntunan at pamamaraan ng ibang awards na pinamamahalaan ng foundation.
Ang LBSCFI ay binubuo ng 22 ahensya kung saan kasama ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology o DOST-PCAARRD. Ang PCAARRD ang nagsisilbing kalihiman o ‘secretariat’ ng foundation.
Ang NAARRDN naman ay binubuo ng mga R&D centers, ‘cooperating stations,’ at espesyal na ahensya na nagsasaliksik ng isa o maramihang produktong agrikultura at likas na yaman.